Biyernes, Hulyo 22, 2011

Editoryal

Pnoy, Laki sa Layaw! Jeproks!

Isang taon na sa Malakanyang si Noynoy Aquino, bilang pangulo ng Pilipinas. Isang taon na walang direksyon sa pamumuno sa bansa para makaahon ang masang anakpawis sa kadustadustang kalagayan dulot ng ilampung taon na paghahari at pagsasamantala ng mga panginoong maylupa at lokal at dayuhang kapitalista sa Pilipinas sa tulong ng mga pulitikong bulok, ng mga trapo. 

Ang unang taon ni Pnoy ay ang pagpapalaganap ng kanyang mga paboritong islogan: kung walang korap walang mahirap, tuwid na landas at kayo ang boss ko.

Ang Katangian ni Pnoy

Naluklok sa poder ng kapangyarihan si Pnoy dulot ng di inaasahang pagbulwak ng simpatya ng mamamayan ng mamamatay si Pangulong Cory ang kanyang ina. Nasiphayo ang masa sa 9 na taon ni GMA sa panguluhan at umapaw ang pagdalamhati. Sa udyok ng mga malalaking negosyante, panggitnang pwersa at mga kaklase, kaibigan, kamag-anak, napalaot si Pnoy sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan at naging pangulo ngayon ng bansa. 

Anong karakter meron si Pnoy para maging pangulo ng bansang Pilipinas?

Sa isang taong singkad na panunungkulan ni Pnoy, wala siyang markadong positibong ambag sa paglutas ng suliranin ng bansa. Maraming sektor ng lipunan ang di na masaya at unti unting nauuk-ok ang kanilang ibinigay na tiwala sa nakaraang eleksyon na kanyang pinagtagumpayan. Ang pag-asa ng masa na makaahon sa karalitaan ay naaagnas na.

Naikukumpara ng masa si Pnoy sa mga nakaraang pangulo ng Pilipinas sa estilo ng paggawa (work ethics). Ang nakaraang mga pangulo ay workaholic tulad ni Ramos at GMA. On Top of the situation, ika nga. Ibang-iba ang pamumuno ni Pnoy na nakaasa sa kanyang mga kalihim ng mga departamento at kung magsimula ng kanyang trabaho bilang ehekutibo ay tanghali na. Madalang magpatawag ng cabinet meeting. Mas madalas pa ang konsultsyon sa mga lugar na inuman tulad ng Chefs & Brewer.

Umani agad ng batikos ang palpak na unang executive order na inilabas kaugnay ng mga appointments. Sumunod na palpak ang Luneta hostage crisis na nagpatampok ng kanyang papel sa paghawak sa mga krisis. Nag sunod-sunod ang kanyang kapalpakan bilang punong ehekutibo. 

Ang bangayan ng kanyang mga kalihim ng gabinete. Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo at malamyang pagtulong sa mga OFW na naiipit sa kaguluhan sa Gitnang Silangan. Ang isyu ng ligalidad ng spin-off at kontraktwalisasyon na magdudulot ng maramihang tanggalan sa PAL na malinaw ang pagkiling sa interes ng mga kapitalistang tulad ni Lucio Tan. 

Ang isyu ng reporma sa lupa sa Hacienda Luisita na pagpanig naman sa kanyang angkan na panginoong maylupa, ang mga Cojuangco, para manatiling kanila ang malawak na lupain na dapat nakapailalim sa reporma sa lupa.

Sa ngayon ang umiinit na isyu ay ang graft and corruption ng nakaraang administrasyon at pagtugis sa pangkat ni GMA. Ginagamit ni Pnoy na pangkober ng kanyang kapalpakan ang nakaraaang rehimen ni GMA. 

Pero meron din palang naiambag si Pnoy

Ang tampok na datos sa unang taon ni Pnoy ay dumami ang bilang ng bilyonaryong Pilipino na nakasama sa listahan ng Forbes magazine ng mga bilyunaryo sa buong mundo. Nakinabang ang malalaking kapitalista tulad ni Henry Sy, Lucio Tan, Gokongwei, Andrew Tan, Consunji, Razon, atbp.

Nadagdagan din ang bilang ng walang trabaho (11.3 M) at bilang ng nagugutom at mahihirap na pamilya ayon sa mga survey. Lalong lumaki ang agwat ng pamumuhay ng mga manggagawa at kapitalista.

Pamumuno ni Pnoy

Bakit ganito ang pamumuno ni Pnoy sa bansa? Pamumuno na ibinubunton ang sisi sa iba at hindi sa pag-amin sa sariling kapalpakan at pagkukulang?

Si Pnoy ay nagmula at nabibilang sa pamilyang Cojuangco-Aquino na nag-aari ng malawak na lupaing sakahan sa probinsya ng Tarlac. Isang anak mayaman na may gintong kubyertos sa bibig. Hindi nakaranas ng hirap. Kumakain kahit di magtrabaho. May nauutusan sa lahat ng kanyang kailangan. Sunod ang layaw. 

Nag-aral sa mga paaralan ng pinaka-mayayamang pamilya sa bansa, sa Ateneo University. May sekyuriti dahil anak ng pangulo ng bansa – si Cory Aquino- at natira na rin sa palasyo ng Malakanyang. 

Ganito ang ang kinalakihan ni Pnoy. Isang kapaligiran na sagana sa lahat ng pangangailangan na maaaring bilhin ng salapi at kunin sa pamamagitan ng paggamit ng kapangyarihan na taglay ng pamilyang asendero. Sa madaling salita, laki sa layaw, puro sarap, Jeprox.

Meron pa kayang pag-asang magbago ang taong lumaki sa layaw? Ano kaya ang maaasahan ng masang anakpawis kay Pangulong Pnoy na Jeproks sa darating na 5 taon? Wala para sa manggagawa at magbubukid!

Kritik sa Philippine Development Plan (PDP) ni P-Noy

Gasgas na daan
ng palsipikadong pag-unlad

WALANG nagbago. Wala tayong maasahang “pang-ekonomyang pag-unlad” sa tuwid na daan ni P-Noy. Sapagkat ang babagtasin nito ay siya ring “luma at gasgas na landas” ng nakaraang mga administrasyon. 

Ang balangkas ng Philippine Development Plan o PDP, sa esensya, ay tulad din ng plano sa ekonomiya ng naunang mga rehimen. Wala itong pinag-iba sa “Philippines 2000” ni Ramos at sa pangako ni GMA na gagawing “first world country” ang Pilipinas. 

Iisa lang ang itinuturong problema ng ating ekonomya: Kulang daw ang pamumuhunan. Kaya kulang ang trabaho. Dahil dito, naghihirap ang sambayanang Pilipino. 

Pareho din ang kanilang solusyon: likhain ng gobyerno ang paborableng sitwasyon para hikayatin ang foreign investment sa bansa. 

Dahil kagaya din ang PDP ng dating mga planong pang-ekonomya ng gobyerno, mananatili ang Pilipinas bilang isang “export oriented, import dependent” na ekonomya. Lubog pa rin sa utang ang gobyerno. Higit sa lahat, patuloy pa rin ang pangingibang-bansa ng mga Pilipino para maging OFW.


Ang totoong pag-unlad ay redistribusyon ng yaman

Ang layon ng PDP ay ang tinatawag niyang “inclusive growth”. Ito raw ang “tuloy-tuloy na pag-unlad ng ekonomya, na malawakang lilikha ng trabaho at lumulutas sa kahirapan ng nakararami.”1

Inclusive. Ibig sabihin, pang-lahatan. Pero ano ang para sa masang Pilipino? Pag-unlad? Hindi, kundi trabaho. Ibig bang sabihin, kapag ang isang tao ay nagtatrabaho at sumasahod, hindi na siya naghihirap?

Nakakatawang nakakaasar na lohika! Pinaksa ang trabaho pero hindi pinansin kung magkano ang sweldo at kung regular ang pag-eempleyo. 

Ano nga ba ang kailangan natin? Sahod o trabaho? Hindi ito ridukulosong tanong. Ang hanap natin ay sahod. Ang kailangan ng kapitalista ay “trabaho”. Hawak natin ang trabaho at ibinebenta natin ito sa kapitalista kapalit ng sahod. 

Totoong problema ang unemployment. Alam natin – dahil wala tayong pag-aari kundi ang lakas, sipag, at talino sa pagtatrabaho – hindi tayo mabubuhay sa ilalim ng sistemang ito kung hindi tayo makakapagbenta ng trabaho upang magkasweldo.

Ang hanap natin ay sweldong makakapagbigay ng disenteng buhay sa ating pamilya. Ang nais natin ay pag-eempleyong regular at may kasiguruhan. Di tulad ng kontraktwal na pag-eempleyong laganap sa kasalukuyan.2

Pero hindi ito ang layon ng PDP. Ang nais nito ay pasiglahin ang ekonomya upang lahat ay makapagbenta ng lakas-paggawa. Ito ang pagiging “inclusive” ng kaunlaran para kay P-Noy. Lahat tayo ay magtatrabaho. Pero ang pag-unlad ay ekslusibo. Para lamang sa mga kapitalista. 

Huwag nilang sabihing sabay na umuunlad ang manggagawa at kapitalista kapag tayo ay nagtatrabaho. 

Matagal nang pinuunlad ng manggagawa ang negosyo ng kanilang mga amo. Pero pulgada lamang ang inungos sa buhay ng isang kontraktwal sa SM nang siya ay ma-empleyo. Kumpara sa milya-milyang “pag-unlad” ng kanyang employer na si Henry Sy3. Ganito rin ang “kaunlaran” sa pagitan ng pamilya Cojuangco at kanyang magbubukid sa Hacienda Luisita.

Palspikadong pag-unlad! Isang pag-unlad na kinatutuwaan lamang ng mga ekonomista kapag sinusukat nila ang paglago ng nalilikhang yaman sa bansa o GDP (gross domestic product).

Subalit para sa manggagawa, ang totoong pag-unlad ay hindi lamang usapin ng paglikha ng yaman (wealth creation). Ito ay redistribusyon ng yaman tungo sa nakararaming lumikha nito.

Ang tunay na kaunlaran ay kakambal ng hustisyang panlipunan (social justice). Katarungan para sa lumikha ng yaman ngunit naghihirap, sa pinagkakaitan ng disenteng pamumuhay sa ngalan ng tubo at pribadong pag-aari.


PDP: Kaunlaran para sa dayuhang kapital

Para abutin ang layuning likhain ang “malawakang trabaho”, ang sumusunod ang mga pamamaraan ng PDP4:

=> Itayo ang mga imprastraktura para hikayatin ang pagpasok ng mga imbestor, nang sa gayo’y lumikha ng trabaho. Gagawin sa pamamagitan ng public-private partnership o PPP;

=> Pataasin ang “industry competitiveness” ng large-scale enterprises. Pagpapautang sa medium, small and micro enterprises (MSMEs);

=> Mamuhunan sa kalusugan at edukasyon para sa “poorest of the poor” sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P); at,

=> Pataasin ang remittances at eksport.

Himayin natin ang mga ito upang makita kung kanino at saang interes nagsisilbi ang PDP.


Para saan ang imprastraktura? 

Sa biglang tingin, aakalain nating ang nais ng PDP ay lumikha ng imprastraktura dahil papasok ang puhunan kapag natapos na ang mga proyekto. Pero baliktad. 

Aakitin ang imbestor upang lumikha ng trabaho sa pamamagitan ng mismong pagtatayo ng imprastraktura. Kaya’t ang paraan para itayo ang mga proyektong ito ay ang public-private partnership (PPP) o pagsososyo ng gobyerno at mga kapitalista. 

Ano ang mga klase ng imprastraktura na kanilang itatayo? Ito ay ang mga kalsada, tulay, riles, pantalan, paliparan; mga pasilidad sa kuryente, information technology, irigasyon, tubig, edukasyon, kalusugan, land reclamation, government building, palengke, katayan, imbakan, fishport at tambakan ng basura5

Hindi ang industriyal na kapital ang inaakit ng PDP sa pamamagitan ng imprastraktura. Sapagkat ang pandaigdigang pamumuhunan sa manufacturing ay hinigop ng Tsina – ang “factory of the world”6 – na may malaking domestic market, mas murang hilaw na materyales at mas mababang sweldo, bukod pa sa umaayos na imprastraktura7.

Anong klaseng investment, kung gayon, ang sinusuyo ng gobyerno para pumasok ng bansa? Ito ang mga kapitalista sa sektor ng serbisyo. Mga transnasyunal na korporasyong umiikot sa buong mundo para mangaral ng doktrina ng pribatisasyon. Mas mura at mas episyente daw kasi ang serbisyo kapag ito ay nasa kamay ng pribadong sektor. 

Isang halimbawa nito ay ang Suez at Bechtel Water na partner ng mga Lopez at Ayala sa pagsasapribado ng MWSS8. Ano ang epekto ng pribatisasyon – partikular sa MWSS? Tumaas ang singil sa tubig! 

Tulad ng singil sa kuryente, sa toll fee ng NLEX at SCTEX9, atbp., na sumirit matapos itong salakayin ng mga kapitalista. Nakaamba din ang pagtataas sa pamasahe sa MRT at LRT210.

Iba’t iba man ang dinaanan ng proseso ng pribadong kompanya: (a) bilhin ng buo o parsyal ang isang pampublikong korporasyon, (b) makuha ang prangkisa sa operasyon at maintenance ng pasilidad ng gobyerno, (k) maging partner ang estado sa pagtatayo ng pang-serbisyong imprastraktura, (d) o kombinasyon ng mga nabanggit na paraan. 

Iisa pa rin ang epekto: pagtutubuan ang mga pangangailangang dati ay tinutugunan ng gobyerno – maaring libre o nagpapagamit ng pasilidad sa mas murang halaga – sa diwa ng serbisyo publiko.

Sumahin natin. Sino ang makikinabang sa public-private partnership? Walang iba kundi ang mga kapitalista. Hindi ang taumbayan – na daranas ng walang kaparis ng hirap sa pagtaas sa singil ng iba’t ibang serbisyo. 

Mayroong bang malilikhang “malawakang trabaho” dahil sa imprastraktura? Oo. Pero ito ay pansamantala lamang sa panahon ng konstruksyon ng mga proyekto. Dahil kaunti na lang kasi ang kakailanganing empleyado para kanilang operasyon at maintenance. 


Kaninong industriya ang gagawing “competitive”? 

Sa planong PDP, palalakasin daw ang “industry competitiveness” ng mga “large scale enterprises”. Mga kompanyang nakatuon sa pag-eeksport ng mga kalakal. Tinatawag din itong “export industry” gayong nagmula sila sa iba’t ibang sektor ng ekonomya. 

Sa industriya, ang pinakamalaki sa kanila ay nasa electronics, na siya ring nagpapaliwanag kung bakit ang bansang Japan ang pinakamalaki nating “trading partner”. Sa serbisyo, ang tampok ay ang business process outsourcing (BPO) – na mas kilala sa tawag na “call center”. Sa agrikultura ay ito ay ang mga plantasyon (DOLE, Del Monte at mga hacienda ng lokal na asendero tulad ng Luisita). 

Sila ay maliit lamang sa kabuuang establisyemento sa Pilipinas (0.4%). Nag-eempleyo ay 31% ng kabuuang labor force. Subalit lumilikha ng mahigit kalahati (64.3%) ng bagong likhang halaga (value added) sa bansa.

Maling tawaging ang “export industry” ay industriya ng Pilipinas. Sapagkat ang mga ito ay industriya ng mayayamang bansa na namuhunan dito dahil mas mababa ang “cost of production” para ipatrabaho ang kanilang produkto. Nasaan ang sariling industriya ng bansa? Matagal na itong dinurog ng mas murang imported na produktong dumagsa sa bansa nang ibagsak ang taripa (buwis sa pag-aangkat)11.

Ano, kung gayon, ang sinasabing “competitiveness” ng “export industry”? Kompetisyon ito ng maliliit na bansang gaya ng Pilipinas. Para paliitin ang gastusin sa paglikha ng produkto upang hikayatin ang pamumuhunan ng transnasyunal na mga korporasyon sa manupaktura. 

Nasaan ang bentahe o “comparative advantage” ng Pilipinas sa pag-akit ng ganitong klaseng kapital? Dahil ang ating manggagawa ay mas mura at mas skilled (may kasanayan). 

Ang Tsina ang pinakamalakas sa paghihikayat ng pamumuhunan sa manupaktura. Pero hindi lahat ay kanyang nakakabig. Sapagkat may klase ng paggawa na hindi pa gamay ng manggagawang Instik. Tulad ng paggamit sa mas abanteng teknolohiya at pagsasalita ng Ingles, na siyang dahilan kung bakit pumapasok sa bansa ang pamumuhunan sa electronics at “call center”. 

Pero hindi lamang ito usapin ng kasanayan o skill. Itinatayo sa Pilipinas ang mga pabrika ng electronics at semi-conductor dahil mas mahal ang pasahod ng manggagawang Hapon. Gayundin, naaakit natin ang pamumuhunan sa “call center” dahil mas mura ang sahod sa Pilipinas kumpara sa sahod ng manggagawang Amerikano.

Mas mura ang pasahod sa Pilipinas. Hindi lang dahil mababa ang minimum wage. Marami kasing ligal na paraan para lusutan ang minimum na pasweldo. Isa dito ay ang iskema ng kontraktwalisasyon at kaswalisasyon. Ang kaswalisasyon ay ang epidemya ng “5 months – 5 months na pag-eempleyo” na siyang kalakaran sa mga subcontractor, na gumagawa ng bahagi ng produksyon ng malalaking kompanya (kontraktwalisasyon). 

Murang skilled na paggawa! Dito naglalaban ang maliliit na bansa upang suyuin ang mga pamumuhunang hindi pa nalalambat ng Tsina. Sa ganitong klase ng kompetisyon nais lumaban ni P-Noy. Isang labanan sa pagbabaratilyo ng manggagawa! 

Ayaw sabihin ng PDP na ang pababaan ng sweldo sa skilled na manggagawa ang siyang tunay na usapin sa “competitiveness” ng “export industry”12

Umiiwas ito sa usapin. Kaya nga ang paraan ng PDP para pataasin ang “competitiveness” ay hindi pumapatungkol sa mismong industriya (sa loob) kundi sa mga bagay na labas rito. Gaya ng pagpapatupad ng mutually-agreed upon work agreements (kasunduan ng mga bansa ukol sa kalakalan) at pagtatayo ng imprastraktura (para bumilis ang kanilang operasyon). 

Pagsusuma: Hindi tayo tutol sa kompetisyon. Natural lamang na maglabanan ang mga kalakal sa merkado. Magpaligsahan kung sino ang may mas murang presyo para tangkilikin ng mamimili. Ang tinututulan natin ay ang kompetisyon sa pababaan ng sweldo – na siyang kalakaran sa pandaigdigang merkado.

 Pero may ibang landas ng pag-unlad liban sa pakikipagkompetensya sa pandaigdigang pamilihan? Meron.

Ito ay ang pagpapaunlad ng sariling industriya at sariling merkado. Ang pagbibigay-proteksyon sa lokal na industriyang pangunahing tumutugon sa domestikong pangangailangan. Ang pagpataw ng taripa sa imported na mga kalakal na nalilikha na sa bansa upang maawat ang lokal na industriyalista sa pambabarat sa sweldo para manaig sa kompetisyon. Ang pakikipagkalakalan sa ibang bansa sa mga pangangailangang hindi pa kayang likhain sa loob ng Pilipinas. Ang pagpapaunlad ng sariling industriya para hindi tayo umasa sa pag-iimport para makuha ang pangangailangan ng taumbayan.

Ang landas ng pagsasarili ay tadtad ng sakripisyo. Pero di-hamak na mas katanggap-tanggap ang magsakripisyo para sa sariling pag-unlad kaysa sa kaunlarang nakatuon sa pagpapalago ng tubo ng dayuhang kapital, sa progresong nakapundar sa pagpapabagsak ng sweldo para lamang akitin ang pamumuhunan ng malalaking bansa.13


Lilikha ba ng malawakang trabaho ang pagpapautang sa maliit na negosyo?

Kulang ang trabaho sabi ng PDP. Dahil konsentrado lamang ang pang-ekonomikong aktibidad sa large scale enterprise. Para sumigla ang ekonomya, dapat bigyang ayuda ang Medium, Small and Micro Enterprises (MSMEs). 

Ang maliit na negosyo ang pinakamarami sa mga tipo ng establisyemento sa bansa (99.6%). Binibigyan nila ng trabaho ang mahigit kalahati ng kabuuang labor force (61.2%). Lumilikha sila ng maliit na bahagi ng bagong halagang likha (35.7%).

Paano pasisiglahin ang MSMEs? Sa pamamagitan ng pagsalin sa kanila ng dagdag na kapital. Mula sa pautang ng gobyerno at mga remittances ng OFW (hihikayating mamuhunan ang kanilang mga pamilya).

Karamihan sa MSMEs ay nakatuon sa “domestic market”. May nabibilang sa manupaktura. Sa paglikha ng pangangailangan ng mga konsyumer at sa pagsusuplay ng hilaw na materyales bilang subcontractor para sa malalaking exporter (halimbawa, packaging). Samantalang malaking bahagi naman ang nasa distribusyon (33.1% ng may trabaho ay nasa wholesale at retail trade). Isang mayor na bahagi din nito ay ang maliitang produksyong agrikultural ng mga magbubukid sa kanayunan.

Sa plano ng PDP, ilalarga ang financing para sa dagdag na kapital ng maliliit na negosyo. Paano mababawi ng gobyerno ang kanyang ipinautang? Kailangang na sapat, sa minimum, ang malinis na kita mula sa negosyo para mabayaran ang principal at interes ng utang. 

Pero kakambal ng negosyo ang peligro. Maaring hindi mabenta ang produkto. Maaring maliit ang benta. Maaring talunin sila ng kakumpetensya. Maari ding nagagalaw ang puhunan para sa kagyat na pangangailangan ng maliit na negosyante. Sa agrikultural na negosyo, maaring sumungit ang panahon at hindi mabuti ang ani. Ito at marami pang mga sirkumstansyang ang maaring bumara sa patuloy na pag-ikot ng puhunan.

Ang masakit, kapag naghihingalo na ang maliit na kapital, ano ang kanyang unang isasakripisyo? Susubukan niyang iahon ang negosyo sa pamamagitan ng cost-cutting. At ang unang tatamaan ay ang pasahod sa kanyang trabahador (kundi ma’y maghihigpit ng sinturon ang maliit na negosyante kung siya ay self-employed) para lamang makapagbayad ng utang! 

Paano makakabawi ang mga bangko sa inilargang pautang? Kukubrahin niya ang kolateral ng maliit na negosyante! At sigurado tayong isang sangkap ng paglarga nito ay ang batas na “farmland as collateral” na siyang kondisyon ng pribadong mga bangko bago sila maglarga ng pangungutang sa kanayunan.

Ngayon, lilikha ba pang-ekonomikong kasiglahan ang pagbubukas ng pamumuhunan sa mga MSMEs? Maari. Pero pansamantala lamang ito. Kapag umandar na ang kompetisyon, at iba pang peligro sa negosyo, isa-isang titiklop ang mga maliliit na empresa’t sakahan at mahihirapan ang gobyerno at mga bangkero sa pangongolekta ng utang.

Ang layon nila ay lumikha ng trabaho. Pero imbes na konsentrahan ang pagpapaunlad sa sariling industriya, na mas tiyak na mag-eempleyo ng mas maraming manggagawa, ang binuhusan ng puhunan ay ang maliit na negosyo. 

Sa halip na sumugal sa industriyalisasyon ng bansa, nang tinitiyak ang proteksyon nito mula sa dumadagsang murang imported na kakumpetensya, namuhunan ito sa maliit na negosyong doblado ang posibilidad ng pagkalugi.

Ang paglarga ng puhunan sa kanayunan – kapag naipasa na ang “farmland as collateral bill” – ay magpapasigla sa kanayunan. Ngunit habang pinupursige ang pag-aangkat ng imported na produktong agrikultural, ang idudulot nito ay ang “expropriation” ng magsasaka (peti-burges ng kanayunan) at konsentrasyon ng pag-aari ng lupa sa kamay ng mga bangko. 


Bakit mamumuhunan ang gobyerno sa kalusugan at edukasyon?

Isa pang bahagi ng PDP ay ang tinatawag nitong pamumuhunan sa “human capital” sa pamamagitan ng “Pantawid Pamilyang Pinoy Program” (4Ps). Ang puso nito – ayon mismo sa plano – ay ang Conditional Cash Transfer (CCT) na pagbibigay ng tulong pinansyal sa libo-libong mahihirap. Umabot na sa $800 milyon ang inutang ng gobyerno sa WB at ADB sa pamumudmod ng CCT.

Hindi ito simpleng pagkakawanggawa ng mga rehimen (dati na itong ginawa ni GMA). Hindi rin ito “pagpapapogi” lamang para ayusin ang imahe ng gobyerno sa kanyang mamamayan. Kung ito lamang ang dahilan, hindi magpapautang ang malalaking bangko para dito dahil ito ay “walang balik” at hindi mababawi.

Para sa PDP, may pang-ekonomikong layunin ang CCT. Ito ay isang long-term investment. Inudyukan ng mga bangko ang gobyerno na mamuhunan sa kanyang mamamayan.

Sapagkat ang sobrang kahirapan ay banta na sa suplay ng manggagawa. Kapag hindi malusog ang paggawa – laluna ang susunod na henerasyong hahalili sa kanila sa ekonomya balang araw – tiyak na guguho ang sistemang kapital. Kaya nga isa sa “kondisyon” ng CCT ay ang pagbakuna sa mga bata at pag-eenrol sa kanila sa paaralan.

Bahagi din ng programang ito ang K+12 (kinder at 12 taon ng batayang edukasyon), na ang pangunahing layunin ay ang paghahanda sa kabataan bilang manggagawa. Hindi lamang sa loob ng bansa kundi maging sa abroad. 

Pero ang mismong mga bangkong ito rin ang salarin sa tuminding kahirapang dinaranas ng masang Pilipino. Sila ang nag-obliga sa gobyerno na ibaba ang mga taripa, na nagdulot ng kaliwa’t kanang mga tanggalan ng manggagawa at closure ng mga pabrika. Sila din ang nag-udyok sa pagsasabribado ng pampublikong mga serbisyo, na nagdulot ng walang tigil na pagtaas sa tubig at kuryente. Sila rin ang nagsulsol sa patakaran ng deregulasyon na nagbaklas sa kontrol ng gobyerno sa presyo ng langis. 

Subalit nang tumagos na sa buto ang mga epekto, nagpautang sila para raw “ampatan” ang mga epekto ng globalisasyon. Abutin daw natin ang Millenium Development Goals (MDG) upang bawasan ang absolutong kahirapan (poorest of the poor). Hindi pa upang “tulungan” ang mahihirap kundi siguruhing sila ay buhay pa, na may tinatanaw pang pag-asang makapagtrabaho, para maging trabahador ng lipunan.


Paano palalakihin ang remittances at eksport?

Ang reklamo ng PDP: wala raw ganansya mula sa kalakalan. Matamlay ang paglago ng yaman ng bansa (GDP) sa kabila ng patuloy na pagtaas sa remittances ng mga OFW. Mas nauubos daw ito sa personal na konsumo ng mga pamilya ng migranteng Pilipino, imbes na ilarga sa negosyo upang lumago. 

Sa pag-eeksport itinutuon ng gobyerno ang ekonomya ng bansa. Sa pag-eeksport ng mga kalakal at serbisyo. Nakatanaw sa pandaigdigang merkado, hindi sa sariling pamilihan. Hindi sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino.

Pagpagin man ang programa ng PDP, hindi natin nakikita kung paano nito lilikhain ang malawakang trabaho. Mabilisan at malaki kasi ang ibinago ng dibisyon ng paggawa sa buong mundo, kung saan, ang Tsina ay isang dragon sa manupaktura at industriyal na produksyon. Ilang sektor na lamang ang sumisikad sa larangan ng pag-eeksport – partikular ang electronics at business process outsourcing. 

Sa ipinagmamalaki nitong imprastraktura, panandalian lamang, kahit pa malawak, ang “paglikha ng trabaho”. Ito ay nasa yugto lamang ng konstruksyon ng mga proyekto. Dahil dito – sapat nang ideklara nating walatayong maasahang “malawakang trabaho” laluna ang sapat na sahod para sa disenteng pamumuhay ng ating pamilya at ang regular na pag-eempleyo.

Mananatiling nakalingon ang mayorya ng taumbayan sa ibang bansa para maghanap ng oportunidad sa pagtatrabaho. At ito ay hindi problema – kundi solusyon pa nga! – para sa gobyerno. Ang milyon-milyong dolyar na remittances ng OFW ang patuloy na magsasalba sa ekonomya ng bansa. 

Katunayan, sa employment program ng gobyerno – ang PLEP14 - ay may 22-puntong mga patakaran sa paggawa at pag-eempleyo sa bansa. Ngunit kalahati nito ay pumapatungkol sa OFW! Hindi ito totoong “employment program” ng Pilipinas. Sapagkat umaalis ang mga Pilipino dahil sa “unemployment”. Ito ay “programa sa pag-eempleyo” ng ibang bansang nangangailangan ng dagdag na manggagawa. 

Eksport ng paggawa! Ito ang pangunahing rekurso ng Pilipinas na kanyang isusubasta sa buong mundo kapalit ng dolyar na kailangan ng bansa sa pag-import ng kanyang mga pangangailangan.


Kongklusyon: Pilipinas at Pilipino para sa dayuhan!

Gaya ang PDP ng mga planong pang-ekonomya ng nagdaang mga rehimen. Walang pagbabago. 

Ang ekonomya ng bansa ay katatangian pa rin ng sumusunod, (a) ito ay export-oriented, nakatuon sa pag-eeksport ng kalakal at – higit sa lahat – ng manggagawa, (b) ito ay import-dependent, umaangkat ng mga pangangailangan ng kanyang mamamayan, (k) lubog sa utang, sapagkat ang lahat ng proyekto ng PDP: ang pagtatayo ng imprastraktura, ang public financing sa maliit na negosyo, pagbibigay pondo sa mahihirap na mga pamilya, ay magmumula sa utang ng gobyerno sa dayuhang mga bangko, (d) ito ay atrasadong ekonomyang nakapundar sa serbisyo at agrikultura dahil hindi pinauunlad at pinoproteksyunan ang sariling industriya at sariling merkado, (e) at higit sa lahat, ito ay nakasalalay sa pag-eeksport ng manggagawa. 

Sa isang islogan maisusuma ang PDP: Pilipinas at Pilipino para sa dayuhan sa loob at labas ng bansa. 


Mga Tala:

1. Page 15, Philippine Development Plan (2011-2016), binuo ng National Economic Development Authority (NEDA).
2. Ang Konstitusyunal na mga karapatan ng living wage at security of tenure ay nasa papel lamang at malayong-malayo sa realidad. Ang daily cost of living (living wage) para sa pamilyang may anim katao ay P983 habang ang minimum wage sa NCR (pinakamataas sa bansa) ay P424 kada araw.
3. Si Henry Sy ang pinakamayaman sa bansa, na may pag-aaring $7.2 Bilyon, Forbes Magazine, June 2011.
4. “In Pursuit of Inclusive Growth”, NEDA. Mailap daw ang kaunlaran sa bansa dahil daw sa sumusunod: (a) kulang ang investment dahil sa imprastraktura, (b) mababang employment bunga ng konsentrasyon ng aktibidad sa malaking empresa, (k) napakababang antas ng pamumuhay ng masa, (d) kulang na ganansya mula sa remittances at eksport. Ang mga ito ang nais solusyunan ng PDP.
5. Ito ang mga proyektong maaring itayo ng gobyerno at pampublikong sektor ayon sa RA 6957 at 7718, “An Act Authorizing the Financing, Construction, Operation and Maintenance of Infrastructure Projects by the Private Sector and for other Purposes”. Isinabatas alinsunod sa Philippines 2000 ni FVR.
6. Peter Frank, Wall Street Journal, March 2011, “China Becomes Billionaire Factory to the World”
7. Mula 1970 hanggang 2000, 33% ng foreign direct investment sa mga developing countries ay tumungo sa Tsina. Ang kasunod ay Brazil, 11%; “Foreign Direct Investment to Developing Countries in the Globalised World (1970-2000)”, Sandy Kyaw, University of Strathclyde, Glasgow. Ito ang panahong hindi pa todong nakabukas sa mundo ang Tsina. 
8. MWSS - Manila Waterworks and Sewerage System. Ang pribatisasyon noon ng MWSS ang pinakamalaki sa buong mundo. 
9. North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).
10. Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit 2 (LRT2).
11. Sa bisa ng General Agreement on Tariff and Trade (GATT), ibinaba ang mga taripa para sa mas maluwag na pandaigdigang kalakalan.
12. 1 Sa ibang dokumento pinaksa ng gobyerno ang “kontraktwalisasyon”. Ito ay sa “Philippine Labor and Employment Plan (PLEP): Inclusive Growth through Decent and Productive Work. Isang beses lang ito nabigyang-pansin. Rerebyuhin daw ang desisyon ng DOLE na pumabor sa ginagawang pagkokontraktwalisa (outsourcing) ni Lucio Tan.
13. Ang pagsasariling landas ng industriyalisasyon at modernisasyon ng agrikultura ay matatagpuan sa seksyong “Repormang Pang-ekonomya” sa Programa ng PMP (Pinagsanib).
14. Philippine Labor and Employment Plan (PLEP). 

PPP: Proyekto ng iilang kapitalista, pagdudusahan ng mamamayan

“Kahit gaano po kalaki ang kakulangan para mapunan ang mga listahan ng ating pangangailangan, ganado pa rin ako dahil marami nang nagpakita ng panibagong interes at kumpyansa sa Pilipinas. Ito ang magiging solusyon: mga Public-Private Partnerships. Kahit wala pa pong pirmahang nangyayari dito, masasabi kong maganda ang magiging bunga ng maraming usapin ukol dito.”  - Talumpati ni PNoy sa kanyang 2010 SONA


Ang Public-Private Partnership

Ang Public-Private Partnership (PPP) ay sentro ng programang pang-ekonomya ng gubyernong Aquino. Ito ay sosyohan ng gobyerno at mga pribadong kumpanyang lokal at dayuhan sa mga pampublikong proyekto gaya ng paliparan, daungan at highway at serbisyong panlipunan gaya ng ospital, paaralan, patubig at kuryente na dating gobyerno lang ang gumagawa. Hindi ito bago. Ito’y luma na may bagong pangalan at ginawa na ng nagdaang mga gubyerno. Isa rin itong uri ng privatization.

May iba’t ibang porma ng PPP, depende ito sa kasunduan ng gobyerno at pribadong sektor. Ang ilan sa mga ito ay ang service contracts, management contracts, lease contracts, concession contracts, at Build-Operate-Transfer (BOT). 

Ang pinakatampok sa mga ito ay ang BOT. Sa ilalim ng kasunduang ito, ang pribadong kumpanya ang may responsibilidad na magpaluwal ng mas malaking kapital at mas maliit na counterpart mula sa gubyerno para sa konstruksyon ng proyekto. Matapos magawa ang proyekto, halimbawa ay expressway, pangangasiwaan ito ng pribadong kumpanya sa isang takdang panahon para bawiin ang kanyang ginastos na kapital at tumubo sa pagpapatakbo nito. Matapos ang takdang panahon sa kontrata, isasalin sa gubyerno ang pangangasiwa.

Para sa taong 2011, inihanay na ng gubyerno ang mga industriyang pang-PPP. Ito ang mga industriyang may kinalaman sa sasakyang-de-motor/transportasyon, minahan, agribusiness at pangingisda, animation at paggawa ng pelikula, paggawa ng barkong pandagat, pabahay, enerhiya, imprastraktura, research and development, turismo. Inihanay din ng gubyerno ang mga serbisyong pang-PPP gaya ng Land Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT), mga highway gaya ng Daang Hari-SLEX Road sa Bacoor Cavite, NAIA Expressway sa Pasay at Paranaque, Cavite-Laguna (CALA) Expressway, mula sa Gen. Trias hanggang Silang, Cavite at ang NLEX-SLEX connector mula Caloocan hanggang Makati City at mga paliparan sa mga probinsiya ng Albay, Palawan, Bohol at Misamis Oriental. Sa 2012 naman nakatakdang simulan ang proseso para isa-pribado ang NAIA 3 at DMIA sa Pampanga. 

Para makaakit ng lokal at internasyunal na kapitalista na sososyo sa PPP, nagbibigay ang gobyerno ng maraming insentibo. 


Mga insentibong pang-akit sa dayuhang puhunan

1. Pampulitikang suporta ng gobyerno para ilatag ang mga kinakailangang batas para sa swabeng pagpasok ng puhunan ng pribadong sektor at paglaban sa mga tumutuligsa sa pagbabago ng batas; 

2. Pagbigay ng lohistikal na suporta ng gobyerno gaya ng Right of Way, pagluwag sa mga batas pantrapiko, prayoridad sa supply ng kuryente at iba pang hilaw na materyales; 

3. Ginagarantiyahan ng gobyerno ang tubo sa pamamagitan ng mga iskemang “take or pay guarantee” gaya na lang ng mga kontrata ng NAPOCOR sa mga Independent Power Producers (IPPs) noong termino ni Cory Aquino at FVR na gamitin man o hindi ng publiko ang ginawang kuryente ay babayaran pa rin ng gobyerno;

4. Ibinubukas din ng gobyerno ang pondo ng mga manggagawa sa GSIS at SSS para utangan ng mga pribadong korporasyon; 

5. Ang kaban ng bayan ay ipinambabayad sa mga utang ng pampublikong kumpanya sa pribadong kumpanya o bangko. Halimbawa ang utang ng Napocor na sinisingil sa atin bilang universal charge sa bill ng kuryente buwan-buwan. 

6. Kasama sa suportang iniaalok ng gobyerno ang fiscal and regulatory support para gawing kaakit-akit mag-negosyo sa Pilipinas. Ang ilan sa mga ito ay ang di pagbayad ng buwis ng tatlo hanggang sampung taon, exempted sa stamp at custom taxes. May mga kaso na pati mga dayuhang nagtatrabaho dito ay hindi pinagbabayad ng kanilang income tax; 

7. Kung nagkakaproblema sa cash flow ang kapitalista, maaring magpautang ang gobyerno;

 8. Ginagarantiyahan din ng gobyerno ang mga kapitalista laban sa inflation at pagbabago ng foreign exchange rates. Ibig sabihin, di bababa at pwedeng tumaas ang halaga ng kanilang tubo o kita kahit magbago ang palitan ng piso at dolyar. Sakali mang bumaba ang halaga ng kanilang tubo dahil sa pagbabago ng palitan, ang nawalang halaga ay aabonohan ng gubyerno.

9. Maari ring protektahan ang isang proyektong BOT sa kompetisyon, gaya ng hindi pagpapaunlad sa ibang proyekto na nagdudulot ng monopolyo sa industriya; 

10. May ilang pagkakataon na ang gobyerno pa ang nagbabayad sa mga nawasak na dokumento at kagamitan ng kumpanya dahil sa kalamidad, isang pribilehiyong di ginagawa kahit ng pinakamayayamang insurance companies; 

11. Nagbibigay din ang gobyerno ng insurance sa mga dayuhang kumpanya kung may pagbabago sa katayuan ng pulitika sa bansa gaya ng pagpapalit ng rehimen, kudeta atbp. 

12. May mga pagkakataon na ang AFP/PNP ang tinatalaga bilang security agency ng mga proyekto gaya ng Malampaya gas exploration sa Palawan; 

13. Hindi rin maaring i-expropriate o angkinin ng gobyerno ang pribadong pag-aari ng mga kumpanya kahit para ito sa kagalingan ng bayan;

14. Travel tax exemption at may multiple entry visa para sa tatlong taon para sa mga expats.

Dagdag pang insentibo ang suportang magpapagaan sa pakikipag-transakyon ng mga kapitalista at ang swabeng operasyon ng kanilang mga korporasyon dito sa Pilipinas. Ang mga insentibong ito ay ang mga probisyon na linalaman ng Omnibus Investment Law ng 1987, ang Build-Operate-Transfer (BOT) Law, ang Investments Incentive Act, Special Economic Zone Act of 1995 at ang Amended Foreign Investments Act. Higit pa riyan may mga sektoral na insentibo para sa turismo, turismong medikal, information technology (IT), pangingisda, paglilimbag ng libro at marami pang iba. Dagdag pa riyan ang mga insentibo nagmumula sa mga ordinansa ng iba’t-ibang lokal na pamahalaan sa bansa at mga espesyal na mga mandato para akitin ang mga negosyante tungo sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), Clark Development Corporation at Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).

Sa suma-total, poprotektahan ng gobyerno ang negosyo at sisiguruhing tutubo ang mga kapitalista. Ang proteksyong ito ay tinawag na sovereign guarantee.


Mga halimbawa ng Public-Private Partnership

BOT SCAM : Sa panahon ni Ramos, ang pinakamarka ng administrasyon nito sa mga proyektong inprastruktura ay ang kasunduang Build-Operate-Transfer (BOT) habang nananatili ang kalakarang karguhin ng gubyerno ang mga utang ng pribado.

Sa BOT, inilagay sa peligro ang bulsa ng taumbayan. Sa ilalim ng ganitong kasunduan, ang mga kapitalista ay kinontratang gawin ang proyekto, ioopereyt ito sa isang takdang panahon at pagkatapos ay ibibigay sa gubyerno. Ang malaking bahagi ng pondo ay manggagaling sa kontratista, konti lang ang ilalaan ng gubyerno bilang “counterpart.” Lahat ng ito ay protektado ng “sovereign guarantee” o aakuin ng gubyerno ang pagkalugi ng mga kumpanyang nakipagnegosyo sa gubyerno. Ang MRT o metrorail transit at IPPs o independent power producers ay ilan lang sa mga proyektong sumailalim sa ganitong kasunduan. 

Para maengganyo ang mga kapitalista, binigyan sila ng gubyerno ng mga incentives na tinatawag na “performance guarantees” para matiyak ang kita ng mga ito. Ilan sa mga pabor ay ang sumusunod:

1. Fixed peso-dollar exchange rate. Tiniyak na di maaapektuhan ng pagbababa ng halaga ng piso ang perang ibabayad sa mga kontratista kaya ang bayaran ay sa dolyar hindi piso. 

2. Guaranteed cost of fuel. Bukod sa idedeliber ng gubyerno ang panggatong, anumang pagtaas ng presyo ng langis na gagamitin sa proyekto ay kakarguhin ng gubyerno, hindi ng kontratista.

3. Guarantees against market and credit risks. Tinitiyak na ang tutubuin ng mga kontratista ay hindi bababa sa kanilang inaasahang tubo. Kaya anumang oras ay pwede silang magtaas ng presyo ng kanilang produkto o serbisyo at sasagutin ng gubyerno ang anumang kulang sa inaasahang kita.

4. A pledge that government would purchase all of the output of the project, whether or not it needed all the output or could retail it to the public. Kahit hindi nagamit ay babayaran ng gubyerno ang kapasidad ng kanilang ginawang proyekto.

Sa ganitong kontrata sumailalim ang mas marami sa mga IPPs. May 46 na IPPs ang Napocor. Labintatlo ang pinirmahan noong 1990-1992 (Aquino), 31 ang pinirmahan noong 1992-1997 (Ramos), 2 noong 1998 (Estrada). Hindi pa kasama dito ang napirmahan sa panahon ni Gloria. 

Sa mga kontratang ito ng gubyerno (NPC) sa mga IPPs, lalong nagkabaon-baon sa utang ang gubyerno. P900 bilyon ang utang ng NPC sa IPPs noong 2003. Dalawampu’t dalawang porsyento ng P5.9 trilyong utang ng gubyerno (2004) o P1.3 trilyon ay utang ng Napocor labas na rito ang ang P200 bilyon outstanding debt na kinargo na ng pambansang gubyerno matapos pumasa ang EPIRA Law. Matapos ibenta ang mga ari-arian ng NPC, naiwan sa gubyerno ang dambuhalang utang nito na ngayo’y pinababayaran sa taumbayan sa buwanang singil sa kuryente. 

ANG KASO NG CASECNAN: Pinakamasahol ang kaso ng Casecnan Irrigation and Power Project (2000-2020). Ito ay proyektong nasa kategorya ng “unsolicited” o hindi ipinakiusap ng gubyerno. At batay sa patakaran ng gubyerno, anumang “unsolicited” ay di pwedeng bigyan ng garantiya. Pero sa anupamang dahilan, ang proponent o kontratistang CalEnergy— isang kumpanyang Amerikano—ay binigyan ni Ramos ng government guarantee.

Ikalawa, sobrang mahal ang presyo ng malilikhang kuryente nito na nagkakahalaga ng $0.165/Kwh o P9/Kwh kumpara sa nililikha ng Napocor na P2/Kwh (sa panahong pinirmahan ang kontrata).

Ikatlo, mahal din ang tubig na maidedeliber nito sa halagang P2 bilyon kada taon papuntang Pantabangan Dam.

Ikaapat, sa pinakamenos, kokolekta ang CalEnergy ng $72.7 milyon kada taon mula sa National Irrigation Administration at $36.4 milyon kada taon mula sa Napocor kahit di magdeliver ng tubig at kuryente ang kanilang proyekto. Ito ang garantiya na kikita at di malulugi ang dayuhang kumpanya. Marami pang kumpanya ng IPPs ang katulad din nito ang kontrata. 

Ang sumikat na NBN-ZTE telecom infrastructure project: Isa rin itong uri ng PPP sa panahon ni Gloria. Nang dahil sa napakalaking overpricing o “tongpats” ng matataas na opisyal ng dating gubyerno na ibinuking ni Jun Lozada, di natuloy ang proyekto.

Marami ang nagsasabi na sa ganitong mga kontrata na lugi ang gubyerno at taumbayan, hindi malayong may nakinabang na mataas na opisyal ng gubyerno. Laluna yaong mga utang ng pribado na kinargo ng gubyerno. 

Walang masama kung totoong iiral ang partnership. Kung magtutulungan. Kung parehas at walang lamangan. Kung walang gulangan sa sakripisyo at benepisyo. Pero hindi ganito ang karanasan ng ating bansa sa kunwari’y partnership ng gubyerno at mga kapitalista. Magpalit-palit man ang pangulo ng bansa, ang nagpapasan sa mga pagkakautang na ito at mas mataas na singil sa mga serbisyong nasa kamay na ng mga kapitalista ay tayong mga mamamayan.

Minsa’y sinabi ni Maitet Diokno-Pascual, dating Pangulo ng FDC at anak ng yumaong Senador Diokno, “Nakikita natin ngayon ang pagsibol ng isang bagong porma ng pagkakalubog sa utang na mas masahol pa sa lahat ng ating naranasan sa ating kasaysayang punung-puno ng trahedya.” 

CCT, saan nagsisilbi?

Ang CCT o Conditional Cash Transfer ay isang programa ng pamahalaan sa ilalim ng Pantawid Pamilya Pilipino Program na inilunsad noong 2007 sa ilalim ng administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo. Ito ay ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga pinakamahihirap na pamilyang Pilipino para ayudahan sila sa kanilang pangangailangan sa pagkain, kalusugan at edukasyon. Ito ay itinutuloy ng gubyernong Aquino.

Ang CCT ay may 3 layunin. Una ang madagdagan ang produktibidad ng mga mahihirap na pamilya. Ikalawa ang maging competitive ang mga batang mula sa mahihirap sa job market o paghahanap ng trabaho. Ikatlo ay para putulin ang pagmana ng kahirapan ng kasalukuyang henerasyon ng mga mahihirap na pamilya.

Noong panahon ni GMA, umabot sa 700,000 ang nabigyan ng subsidy. Ang target ng gubyernong Aquino ay abutin ang karagdagang 1.3 milyong mahihirap na pamilya. Ang bawat pamilya ay bibigyan ng maksimum na P 1,400 tulong pinansyal.


Nabawasan ba ang kahirapan mula nang ilunsad ang CCT noong 2007?

Noong 2008, ayon sa PDI, nasa 4.7 milyon ang bilang ng mahihirap na pamilya. Pagpasok ng 2010 umabot na ito sa 7.2 milyon “food poor families” ayon naman sa SWS survey.

Ang bilang ng walang trabaho sa Pilipinas noong 2007 ay nasa 2.5 milyon ayon sa NSO. Noong 2010, ito ay naging 2.7 milyon. Ngayong 2011, naging 2.9 milyon at 11.3 milyon kung ibibilang ang walang trabaho na sawa na sa paghahanap ng trabaho.

Patuloy ang pagbagsak ng kalidad ng edukasyon. Dumadami ang rin ang drop outs sanhi ng patuloy na pagtaas ng inflation rate o pagtaas ng mga presyo ng pangunahing bilihin. 

Noong June 2011, ayon sa CHRD, 79 ang di makakapagtapos ng kolehiyo ( Higher Education ) o Technical & vocational courses (TVEC) sa bawat 100 bata na pumasok sa grade 1.

Sinusukat ng mga datos na nabanggit na bigo ang CCT para bawasan ang kahirapan ng mga pamilyang Pilipino. Batay sa ipinakitang resulta sa halos 4 na taon, hindi nito naiangat ni bahagya ang mamamayan sa kahirapan , kawalan ng trabaho at kalagayan sa edukasyon. Sapagkat ito ay simpleng pamimigay lang ng panandaliang tulong pinansyal para masabing ang gobyerno ay kumakalinga sa mga naghihirap na Pilipino. 


Saan nagsisilbi ang CCT? 

Ngayong 2011 ay humihirit pa ng P 21 Bilyon budget ang gobyerno para sa CCT. Ito ay para abutin pa ang 2.3 milyong mahihirap na pamilya. Ang panimulang pondo ng CCT ay inutang ng gobyerno ng Pilipinas mula sa World Bank ($ 405 Milyon) at ADB ($ 400 Milyon). Ito ay hindi simpleng gusto nila tayong tulungang makaahon sa kahirapan. Kundi ito ay utang na may tubo at karagdagang pasanin ng mamamayan sa pagbabayad ng utang. Matagal nang sinasabi ng mga dambuhalang bangkong ito na ang pagpapautang ay para mabawasan ang kahirapan ng bansa. Subalit ilang dekada na ang nagdaan mula 1946 matapos ang World War 2 ay lalong nabaon sa utang ang gobyerno ng Republika ng Pilipinas. Ngayong taong 2011 ay umabot na sa $ 60.9 Bilyon ang ating total foreign debt.

Ang CCT sa esensya ay nagsisilbi hindi para bawasan ang kahirapan. Kundi para lalong ilugmok ang mga mahihirap na bansa sa kahirapan dahil sa pagkakabaon sa utang. Ang CCT ay isang sistema na ilapit ang corrupt na gobyerno sa masang mahihirap hindi pa para paunlarin sila kundi para gamitin sila bilang pampulitikang propaganda para pabanguhin ang isang bulok na sistema ng lipunan at gubyerno sa pamamagitan ng dole out ng konting salapi sa mga mahirap na pamilya.


Sino ang tunay na makikinabang sa CCT ?

Walang ibang makikinabang sa programa ng CCT kundi ang mga dambuhalang bangko na pangunahing kumukubra ng walang humpay na tubo ng kanilang pautang sa mga bansang mahihirap. Nakikinabang din dito ang kasalukuyang administrasyon, dahil ito ay nagagamit bilang isang paraan ng pagpapabango sa sarili at pagkuha ng loyalty sa mga barangay at pamilyang naambunan ng biyaya (patronage politics). Isang kampanya ito na idinadaan sa proyekto gamit ang mga mahihirap, para tangkilikin nila ang nakaupo sa gobyerno. Para kay Aquino, kailangan niya ito kagaya ng kinailangan ito noon ni Gloria, para pabagalin ang pagdausdos ng kanyang popularidad bunga patuloy na paglala ng kahirapan at korapsyon na hindi na kayang pagtakpan ng kanyang mga pangako sa daang matuwid. Isang sistema ito na ang pondo para sa proyekto ay inilalaan sa mga kapartido , kamag-anak at malapit na kaalyado sa pulitika ng mga incumbent na pulitiko sa gobyerno. Maging sa Latin Amerika kung saan sinumulan ang CCT ay ganito ang naging problema ng kora
psyon sa implementasyon.

Kabilang din sa mga nakikinabang dito ay ang ilang mga oportunista sa civil society na nakapaloob na sa kasalukuyang administrasyon. Sila ang mga dating kaalyado ni Pnoy noong panahon ng 2010 presidential elections. Ang mga oportunistang ito ay nabiyayaan ng posisyon sa gabinete. Sila ang makinarya ni Pnoy para ipatupad ang programa ng CCT. Ginagamit sila ng administrasyon para tumulay sa mga mahihirap na pamilya para isagawa ang mga proyekto ng gobyerno kalakip ang pampulitikang propaganda ng panlilinlang na ang kasalukuyang pamahalaan ay tunay na nagsisilbi sa mahihirap.

May 3 punto ang tumitining sa usapin ng CCT. Una, hindi nito maiibsan ang kahirapan ng maraming mamamayan. Ikalawa, ito ay nakabalangkas pa din sa bulok na sistema ng pangungutang na may malaking tubo sa mga dambuhalang bangko gaya ng WB at ADB. At ikatlo, ito ay nagdulot lamang ng korupsyon at paggamit ng mga pulitiko sa kanilang personal na pampulitikang interes.

Ang tunay na programa para sa mahihirap na pamilyang Pilipino ay ang mabigyan sila ng regular na trabahong kapalit ay sapat na sweldong makabubuhay ng pamilya, abot-kayang pabahay, de-kalidad at libreng edukasyon, sapat na serbisyong pangkalusugan, murang pagkain hindi pagbibigay ng limos. Ito ay maari lamang mangyari sa isang gobyerno na magsisilbi sa interes ng masang anakpawis.

K+12: Solusyon ni Aquino sa nagnanaknak na edukasyon

K+12
Solusyon ni Aquino sa nagnanaknak na edukasyon

Sa kanyang pagkandidato sa pagkapangulo, nagbigay-katiyakan si Benigno Aquino III sa Philippine Business for Education (PBEd) — isang grupo ng mga kapitalista para sapagrereporma ng sistema ng edukasyon — na isusulong niya ang 12-year basic education. Isa itong dating panukala na hindi naging popular sa publiko. Nang manumpa siya bilang pangulo, di niya nalimutan ang pangakong ito sa mga kapitalista. Aniya, “palalawigin natin ang batayang edukasyon mula sa napakaiksing sampung taon patungo sa labindalawang taon na siyang istandard na sinusunod sa buong mundo.”

Ayon sa DepEd, ang K+12 o ang sarili nitong modelo na K+6+4+2 ang solusyon sa matagal nang problema ng edukasyon sa Pilipinas. 


Ano ang problemang nakita ng gobyerno?

Ayon sa Discussion Paper na inilabas ng DepEd noong Oktubre 5, 2010 tungkol sa K+12, problema ang mga sumusunod:

1. Mababa ang kalidad ng edukasyon na makikita sa mababang grado ng mga Pilipinong mag-aaral sa mga pagsusulit. Ang passing rate sa National Achievement Test (NAT) para sa Grade 6 ay 69.21% at sa high school ay 46.38%. Maraming nagtapos ng basic education ang di master sa batayang mga kaalaman. Isang rason ang di nakakakuha ng sapat na instructional time o panahon para sila turuan.

2. Ang resulta ng internasyunal na pagsusulit gaya ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) noong 2003 ay pang-34 ang Pilipinas sa 38 bansang sumali sa HS II Math at pang 43 sa 46 bansang sumali sa HS II Science; sa Grade 4, ang Pilipinas ay pang-23 sa 25 bansang sumali kapwa sa Math at Science. Noong 2008, kahit na mga science high schools na lamang ang sumali sa kategoryang Advanced Mathematics, Pilipinas ang pinakakulelat!

3. Ang siksik (congested) na kurikulum ang isang dahilan ng kasalukyang katayuan ng edukasyon. Ang kasalukuyang basic education ay nakadisenyong pang-12 taon pero itinuturo ito nang 10 taon.

4. Ang kalidad ng edukasyon ay masasalamin sa kakulangan ng kahandaan ng mga nagtapos ng mataas na paaralan sa mundo ng trabaho o pagnenegosyo o sa mas mataas pang pag-aaral. Ang mga nagtapos ng mataas na paaralan ay kulang sa kakayahan; dahil kulang sa edad, ay wala pang malay (immature) sa trabaho o sa negosyo. Idinagdag pa ng DepEd ang dahilang wala pa sa ligal na edad na 18 ang mga nagtapos sa mataas na paaralan para pumirma ng kontrata.

5. Hindi kinikilalang propesyunal sa ibang bansa ang mga nagtapos sa mga kolehiyo ng Pilipinas sapagkat hindi sapat ang ating basic education. May ilang kasunduan gaya ng Washington Accord, na hindi kinikilalalang propesyunal ang mga nagtapos ng Engineering sa ating bansa dahil kulang ang ating basic education. Gayundin ang Bologna Accord kung saan hindi tinatanggap sa mga unibersidad sa Europa ang mga high school graduates dito sa Pilipinas. 

6. Sa suma tutal, nakita ng gubyerno na ang sampung taon na basic education ay kulang at siyang dahilan ng mga nabanggit na problema sa itaas.

Mga batayan ito ng DepEd upang ipasok ang dagdag na 2 taon sa high school o K+12. 

Pero hindi sinabi ng DepEd ang totoo na sa TIMSS ay walang ebidensyang nakita para bigyang-katwiran ang rekomendasyong pahabain ang bilang ng taon ng basic education. Sapagkat ang South Korea na top performer sa pagsusulit sa TIMSS ay singhaba ng Pilipinas ang basic education nito. Ang mga mas mahaba gaya ng Ghana at Morocco na 12 taon, Botswana, Bahrain at Saudi Arabia na 13 taon ay mas mababa pa sa Pilipinas ang score sa pagsusulit. May mga bansa din na mas maikli ang elementary school nila pero mas mataas ang nakuha sa pagsusulit sa TIMMS gaya ng Russia, Latvia, Slovak Republic, Slovenia, Hungary, Bulgaria, Serbia, Romania, Moldova, Italy, Egypt at Iran.


Ang solusyon ng gubyerno ay K+12 kapalit ng 10

Ayon pa rin sa Discusion Paper, ang ibig sabihin ng K+12 ay kailangan nang magtapos ng isang taong Kinder ang bata bago tanggapin sa Grade One. Ang anim na taong elementarya ay tulad din ng dati, hindi gagalawin, gayundin ang apat na taong dating high school na pinangalanang junior high school. Ang idadagdag na dalawang taon ay tatawaging senior high school. At sa huling dalawang taong ito — ika-11 at ika-12 taon ng basic education — ay nilalayon ng gubyerno na “bigyan ng panahon ang mga estudyante na konsolidahin ang natutunan nilang kaalaman at kakayahan. Dagdag pa ng papel, “Ang kurikulum (tinutukoy dito ang dagdag na huling dalawang taon) ay magpapahintulot ng ispesyalisasyon sa science & technology, music & arts, agriculture & fisheries, sports, business & enterpreneurhip, atbp.

Sa suma ng gubyerno, sa pamamagitan ng pinalawig na basic education ay maaari nang makakuha ng mga kasanayang kailangan upang makapasok sa trabaho ang high school graduates o handa na sa pagpasok sa kolehiyo, dito man sa atin o sa ibang bansa.


Di nasipat ng ang totoong problema 

Walang duda na bumubulusok nga pababa ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Ano ang nakitang dahilan ng gubyerno sa pagbaba ng kalidad na nakalista sa discussion paper ng DepEd? Dalawa ang nakita nila pero isa lang ang ibig sabihin: Una. “Isang rason ang di nakakakuha ng sapat na instructional time ang mga mag-aaral o panahon para sila turuan. Ikalawa. “Ang siksik (congested) na kurikulum ang isang dahilan ng kasalukyang katayuan ng edukasyon. Ang kasalukuyang basic education ay nakadisenyong pang-12 taon pero itinuturo ito nang 10 taon.”

Iyon lang ang nakita ng gubyerno na dahilan ng mga problema na susolusyunan nito ng dagdag na dalawang taon na sa kaibuturan ay naglalaman ng vocational courses. 

Kalidad ng edukasyon ang pinag-uusapan dito. Hindi ba alam o sinasadya ba ng gubyerno na di isama sa mga dahilan ng pagbulusok ng kalidad ang iba pang mahahalagang salik sa pagkakamit ng de-kalidad na edukasyon? Anu-ano ang mga ito?

1. Di nakaeengganyo o di kawili-wili sa malayang pagbungkal sa kaisipan ng mga bata at maging sa mga guro ang kalagayan ng mga silid-aralan – kulang na upuan, binabaha, tumutulo ang bubong, luma at marupok, malamok at walang screen, mainit at kulang sa bentilasyon, pangit at delikadong disenyo at mas masahol, sa ilalim ng punong kahoy. Ayon mismo sa datos ng DepEd, higit sa 152,000 ang kulang na classroom para sa taong ito subalit naglaan lamang ng budget para sa 13,000 classrooms Kulang rin ng higit 2.5 milyong silya para sa mga bata at higit 135,000 palikuran ang kailanganin.

Ang kakulangan sa classroom ay nangangahulugan ng pagtaas ng class size o bilang ng mga bata sa isang klase, doble trabaho ito sa ating mga guro.

2. Di nabibigyan ng guro ng sapat na atensyon ang bawat bata dahil sobra sa normal na bilang ng mag-aaral ang 50-80 bawat klase.

3. Nakadadagdag sa mabagal na pag-unawa o kapos na pag-unawa sa paksa ang malaking kakulangan ng mga gamit sa pagtuturo ng mga guro at kapos na gamit sa pag-aaral ng mga bata na dapat ay ibinibigay sa kanila ng gubyerno. Ang kakulangan sa mga instructional materials gaya ng mga aklat, modules, visual aids at iba pa ay nangangahulugan naman na mismong ang mga guro mula sa kanilang maliit na sahod ang kailangang gumastos upang magkaroon ng maayos na teaching aids.

4. Ang mga librong namumutiktik ng mga pagkakamali na isinusuplay ng mga paboritong kapitalistang kontraktor ng gubyerno ay nagpapahina hindi nagpapatalino sa mga bata.

5. Ang malnourishment at undernourishment na laganap sa mga bata sa pampublikong paaralan ay di lang nakakaapekto sa kanilang pag-iisip at pisikal na paggalaw kundi maging sa kanilang emotional development. Di man lang naisip ng DepEd ang napakaimportanteng papel ng nutrisyon sa pagluluwal ng produktibong mamamayan. 

6. Ang kalagayan ng mga guro na pinakamababa ang sahod at benepisyo sa mga propesyunal na kawani ng gubyerno na di magkasya sa pangangailangan ng pamilya, ang ala-diktadurang sistema ng pamamahala mula sa Deped central office pababa sa mga guro; at kakapusan ng ibinibigay ng gubyerno na angkop at lapat sa kalagayan ng mga bata, ng lahatang-panig at iba-ibang kategorya ng mga bata, na mga pagsasanay sa mga guro at patuloy na pagpapalawak ng kaalaman sa asignaturang itinuturo at ang di pagpapapatupad ng mismong gubyerno sa espesyal na batas para sa kanila, ang Magna Carta for Public School Teachers o Republic Act 4670 na naisabatas noon pang June 18, 1966. Malayong mas mainam sana ngayon ang katayuan ng mga guro kung ipinatupad ng gubyerno ang batas na ito mula 1966.

Samantala, aabot sa 100,000 guro ang kailangan sa taong ito pero naglaan lamang ng badyet para sa 10, 000 bagong guro. Ang hindi sapat na alokasyon ng badyet upang mag-hire ng mga permanenteng guro ay nangangahulugan ng mas mabigat na trabaho sa mga guro. Sapagkat ang dapat sana’y gawain ng dalawa o tatlo ay ginagawa lamang ng iisa. Gayundin maraming mga guro ang kapit-sa-patalim na tinatanggap ang napakaliit na pasahod ng mga lokal na pamahalaan bilang volunteer teacher, job-order  o locally-paid teacher na patunay sa talamak na kontraktwalisasyon sa hanay ng mga pampublikong guro.

Sa taong ito, tinatayang kulang-kulang dalawang milyong bata ang papasok sa kinder. Mangangailangan ang gobyerno ng 25,686 guro upang magturo sa mga bata. Pero bumibilang lang ng 2,800 ang mga guro sa kinder. 

Ang kakulangang ito ay reresolbahin sa pamamagitan ng pag-upa sa mga tinatawag na volunteer teachers. Batay sa DepEd Order No. 37, s. 2011, nakatakdang lumobo ang bilang ng contractual teachers. Sila ay mga gurong magtuturo na walang seguridad sa trabaho at pasasahurin lamang ng P3,000 hanggang P6,000 kada buwan. Sila ang mga gurong nakatakdang magpatupad ng inisyal na programa ng K+12. 

7. Ang pangangailangan ng ebalwasyon sa kurikulum. Hindi ng World Bank at iba pang dayuhang nagpapautang sa gubyerno nang may kondisyones na pabor sa mga nagpautang. Hindi ng mga grupo ng kapitalistang tila buwitreng nag-aabang ng masisila sa bawat oportunidad na makikitang mapagtutubuan ng malaki sa sistema ng edukasyon. Kundi ng mga Pilipinong eksperto at may sinserong adhikain sa ikabubuti ng edukasyon, sa partikular at sa kapakanan ng bansa, sa pangkalahatan.

8. Ang mababang badyet sa edukasyon na katumbas lang ng 3.2% ng GDP o gross domestic product o yamang likha ng paggawa sa loob ng bansa na hindi sumasabay sa international benchmark na 6% ng GDP. Maliit na nga ang GDP ng ating bansa kumpara sa ibang bansa, mas maliit pang porsyento nito ang halagang inilalaan sa edukasyon. At paglipas ng mga taon, pababa nang pababa ang porsyentong inilalaan dito.

Wala nang pinakamainam na kalagayan ang magluluwal ng de-kalidad na edukasyon sa ating bansa kundi ang paglutas sa mga problema ng walong mahahalagang salik na nabanggit sa itaas. 

Ang totoong mga problemang ito ay di malulutas ng dagdag na 2 dalawang taon sa high school ng pormulang K+12 ni Aquino, na pangunahin ay elective vocational subjects.

Ito ang malaking tanong? Bakit ang 8 na ito ay hindi isinama ng DepEd sa listahan ng mga problema? Problemang dapat hanapan ng lunas. Lunas na dapat ay agaran o asap bago tuluyang malugmok ang sistema ng edukasyon sa bansa. Hindi ba nila ito alam? Alam na alam ito ng Deped. Lalong alam na alam ni Aquino sapagkat kasama ang ilan sa mga ito sa video ng kanyang kampanya noong nakaraang eleksyon. Maliban kung nalimutan na niya!

Ito ay sapagkat ang nais lang nitong magawa ay dagdagan ng 2 taon ang high school para sa vocational subjects na tinawag ng gubyerno na espesyalisasyon!


Di rin natumbok ang tamang solusyon

Lumilitaw ngayon na ang solusyong K+12 ni Aquino ay di sumasagot sa mismong dahilan ng problemang nakita at ipinrisinta ng DepEd at sa 8 problemang matagal ng alam ng marami. Kitang-kita sa discussion paper at briefer na ginawa ng DepEd na di seryoso ang gubyerno na lutasin ang problema ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Ang nakita ng DepEd na dahilan ng mga problema na isiniksik sa 10 taon ang dapat na itinuturo sa 12 taon kaya di nakakakuha ng sapat na instructional time ang mga mag-aaral ay di sinasagot ng K+12. Walang sinabi ang DepEd kung ano ang gagawin sa kurikulum ng Grades 1-6 at Junior High School 1-4. Ang maliwanag ay ang dagdag na dalawang taong Senior High School — lalagyan ng bagong kurikulum na pawang vocational subjects. Kung puno na ng vocational subjects ang dagdag na dalawang taon, saan pa nila isisingit ang sobrang mga paksa sa 10 taon sakali mang maisipan nilang hati-hatiin (spread) ang dating kurikulum sa 12 taon para makatanggap ang mga mag-aaral ng sapat na instructional time? Kung gayon, mananatili ang dahilan ng mga problema na nakita ng DepEd; at mananatili rin ang 8 problema na iniwasan nitong iprisinta.

Kung totoong lulunasan ang problema ng congested curriculum batay sa prisintasyon ng DepEd at hahati-hatiin ito sa 12 taon, mawawalan naman ng lugar ang mga bago at vocational subjects na gustong isama ng gubyerno. At dahil ang totoong dahilan ng K+12 ay para maipasok sa kurikulum ng high school ang vocational courses, hindi gagalawin ang dating congested na kurikulum na itinuturo sa 10 taon. Malaking panloloko ang K+12!

Lulutasin ba ng dagdag na dalawang taong vocational subjects sa high school ang problemang 6 lang sa 1,000 Grade Six ang may kakayahang tumuntong sa high school na nakita sa isinagawang High School Readiness Test noong 2004 na hanggang ngayon ay di pa nagagawan ng solusyon? At 2 lang sa 100 fourth year high school ang may kakayahang pumasok ng kolehiyo batay sa resulta ng NAT ng taon din na iyon?

At lalong di malulutas ng K+12 ang 8 problemang di ipinrisinta ng Deped.


Ano kung gayon ang totoong intensyon ng K+12 ni Aquino? 

Kahit alam na alam ni Aquino at ng kanyang DepEd ang mga problema ng 8 mahahalagang salik sa kalidad ng edukasyon ay di nila ito isinama sa rationale o batayan ng pagpasok ng K+12 sa basic education system ng bansa. At kahit ang dahilan ng problema na nakita at ipinrisinta ng DepEd ay hindi malulunasan ng K+12. Ito’y sapagkat di naman nila intensyon na lunasan ang nagnanaknak na sistema ng edukasyon. Ang sinusolusyunan ng K+12 ay ang kakapusan ng skilled workers na problema ng mga kumpanya ng mayayamang bansa dito sa Pilipinas at sa ibayong dagat. Ang K+12, kung gayon, ay para sa mga kapitalista dito sa bansa at sa abroad. 

Ang dagdag na dalawang taon sa high school at compulsory kinder ay karagdagang merkado para sa mga kapitalista sa edukasyon—mga paaralan at mga kalakal na gamit sa paaralan. Dahil ang malaking bahagi ng PBEd o Philippine Business for Education na humiling kay Aquino na pahabain ang basic education ay nasa negosyong pang-eskwelahan. Ang direktang epekto ng K+12 ay ekstensyon at/o ekspansyon ng negosyo at merkado ng mga kapitalista-edukador. Mas mahabang panahon ng pag-aaral mas malaking tubo mula sa parehong mga konsyumer ng serbisyong edukasyon. Isa pa, kung magiging sapilitan ang kinder sa basic education, lalong lalaki ang merkado sa pre-school pa lang.

Kasama rin diyan ang privatization ng education na naka-linya sa GATS o General Agreement on Trade and Services na ipinilit ng mayayaman at makapangyarihang mga bansa sa mahihirap na mga bansa sa pamamagitan ng World Trade Organization o WTO; at ang “liberalization of education” at pagturing sa edukasyon bilang kalakal kaya libre nang pumasok ang kurikulum ng mga international tertiary institution sa Pilipinas sa pamamagitan ng pakikipagsosyo sa mga lokal na kolehiyo. Ito ang dahilan kaya patuloy na lumiliit ang share ng public education sa national budget. Kaya dumarami ang mga pribadong paaralan lalo sa kolehiyo at technical-vocational nang walang regulasyon ang gobyerno. Lalala ito kapag natuloy ang K+12 dahil isa sa hangarin nito ay ang pagbibigay ng pondo ng gubyerno sa mga pribadong paaralan.

Ang 2-taong elective vocational courses ay paniyak ng gubyerno sa masaganang suplay ng skilled pero mababang sweldong manggagawa hindi para sa pagpupundar ng sariling industriya dito sa bansa kundi para pang-akit sa mga nililigawan nitong dayuhang kapitalista. At higit sa lahat upang mai-export sa ibang bansa. Ang remittance ng mga OFW (18 bilyong dolyar noong 2010 at patuloy na lumalaki) ang isa sa mga pangunahing inaasahan ng gubyerno na pagkukunan ng buwis at perang bumibili at nagpapasigla pa sa lokal na kalakalan at sa buong ekonomya. Kung wala ang remittance na ito, malamang na bumagsak ang ekonomya ng Pilipinas.

Kaysa ipundar ang sariling matatag na industriya at modernisadong agrikultura para sa mga magsasaka at para sa sariling ekonomya sa kabuuan, ang pinili ni Aquino ay ang mas madaling gawin. Mas madaling gawin ang magsuplay na lang ng murang lakas-paggawa sa world labor market kaya iniaayon niya dito ang padron ng edukasyon ng ating bansa. Sa madaling salita, ang K+12 ang paraan ni Aquino para gawing pabrika ng murang lakas-paggawa ang sistema ng edukasyon ng ating bansa.

Halaga ng OFW sa ekonomya ng bansa

May humigit kumulang sa 8 milyong Pilipino ang nasa ibang bansa at nagpapadala ng kanilang kinita sa kanilang pamilya sa Pilipinas. Araw araw mahigit 2,500 manggagawang Pilipino ang lumalabas ng bansa para maghanap ng trabaho na may mas malaking sahod. 

Ang Pilipinas ay naisalba sa pandaigdigang krisis na tumama noong 2008 dahil sa malaking remittance ng mga manggagawang Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa. Noong 2010, nagpadala ng $18.7 bilyon ang mga manggagawang Pilipino na nasa ibang bansa. 

Katumbas ito ng 10% ng GDP (yamang likha sa bansa). Kaya’t di kataka-taka na sumigla ang negosyo ng mga tindahan, fast food chains at mga malls tulad ng SM, Robinson, etc. na parang kabute na nagsulputan sa mga sentrong bayan. 

Ang pagpapadala ng OFW sa ibang bansa ay isa sa pangunahing aasahan pa rin ng gobyernong Aquino para suhayan ang kanilang paghahari tulad ng nakaraang mga administrasyon. 

Nakakatulong ang pagpapadala ng OFW sa ibang bansa para bahagyang malutas ang kawalan ng trabaho na umaabot na sa 11.3 milyong katao. Taun-taon, 400,000 libong kabataan na nagtapos sa kolehiyo at napasama sa labor force – ang di makakita ng trabaho sa loob ng Pilipinas. Sila ay naoobligang maghanap ng kabuhayan sa ibayong dagat na gusto naman ng mga naghaharing uri.

Nangangahulugan ito na ang kita ng mga OFW ay nagsisilbing kutson sa paglagapak ng ekonomiya ng bansa at kalsong pumipigil sa pagsambulat ng krisis sa ekonomiya at pulitika. Nagagamit ang kita ng OFW para hindi bumagsak ang gobyernong korap at patuloy na magpasasa ang mga komersyante at kapitalista sa pinagpaguran ng mga itinuturing na “bagong bayani”.

Dito nakatutok ang programa ng gobyerno, sa pagpapahusay ng eksportasyon ng manggagawang Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo. Kapalit ng pagtitiis ng manggagawa na mahiwalay sa kanilang pamilya at dumanas ng kaapihan at diskriminasyon sa mga bansang may ibang kultura at patakaran sa paggawa. 

Hindi mauubos ang mga malulungkot na mga kwento ng kaapihan sa dayuhang employer. Mga istorya ng migranteng naiipit sa digmaan tulad ng Libya at Iraq. Ganunpaman, sabi nila, mas mabuti na ito. Kaysa mamamatay sa gutom at kahirapan sa Pilipinas.

Solusyon sa Problema ng Taumbayan

Ang Philippine Development Plan (PDP 2011-2016) ni P-Noy ay “solusyon” sa problema ng mga lokal at dayuhang kapital sa Pilipinas, sa ilalim ng balangkas ng isang “export oriented, import dependent” na ekonomya. 

Hindi ito kalutasan sa kahirapan at inhustisyang dinaranas ng masang Pilipino sa ating pang araw-araw na buhay.

Subalit hindi maililista ng mga kapitalista’t asendero ang mga solusyon sa ating problema gayong ang mga ito ay – maging sa panaginip – hindi nila nararanasan. Kaya tayo, hindi sila, ang dapat na gumawa ng solusyon. 

Narito ang minimum na programa ng Partido ng Manggagawang Pilipino (PMP-Pinagsanib).

Tinutugunan ng “minimum na programa” ang mga kagyat na mga problema ng aping uri at sektor sa ating atrasadong kapitalistang bansa (manggagawa, magsasaka, maliit na mangingisda, maralitang lungsod at kanayunan, kababaihan, kabataan, at, Bangsamoro at katutubong mga komunidad). 

Nilalaman nito ang mga reporma sa mga patakarang pang-ekonomya at pagbabago sa pampulitika’t sistemang elektoral sa bansa.


Minimum na Programa ng PMP

Ang sumusunod na demokratikong mga reporma ang pangunahing ipaglalaban ng Partido:

A. Para sa Uring Manggagawa

1. Ganap na kalayaan at karapatan ng manggagawa at empleyado sa pribado at pampublikong sektor na organisahin ang kanilang sarili sa mga unyon at pampulitikang organisasyon. Lahat ng mga restriksyon sa batas na nagpapahirap sa pag-uunyon ay dapat baklasin. Isabatas ang kriminalisasyon ng mga paglabag sa mga batas at istandard sa paggawa.

2. Ganap na kalayaang magwelga para sa lahat ng manggagawa at empleyado sa pribado at pampublikong sektor hindi lamang sa mga isyung pang-ekonomiya kundi hanggang sa mga isyung pampulitika at pasaklawin ito hanggang sa paglulunsad ng general strikes at sympathy strikes. Baklasin ang mga batas na sumusupil o bumabalewala sa karapatang ito gaya ng assumption of jurisdiction, free ingress-egress, atbp. Palakasin at istriktong ipatupad ang mga batas laban sa paggamit ng mga iskirol, pulis at goons sa panahon ng welga.

3. Gawing mandatory sa batas ang pagtatayo ng pambansang mga unyon para sa mga piling linya ng industriya laluna sa mga sektor ng agrikultura, serbisyo, konstruksyon, transportasyon, atbp., na mahirap itayo o hindi epektibo ang lokal na unyon. Ang pagtatayo ng industriyal na mga unyon ang dapat na direksyon ng pagkakaorganisa ng kilusang unyon sa bansa.

4. Ipatupad ng burgesya ang itinatakda ng sariling Konstitusyon at mga deklarasyon ng public policy tungkol sa paggawa at pagtibayin ang kaukulang mga batas para sa implementasyon ng mga ito. 

a. Pairalin ang pambansang minimum na istandard sa pasahod at paggawa ng walang diskriminasyon sa linya ng trabaho o kasarian at engganyuhin ang paglampas sa mga istandard na ito sa pamamagitan ng unyonismo.

b. Ipatupad ang Konstitusyunal na karapatan ng bawat manggagawa sa living wage na ang minimum na istandard ay ang daily cost of living ng isang pamilya.

k. Ipatupad ang Konstitusyunal na karapatan ng bawat manggagawa sa trabaho at seguridad sa trabaho. Obligasyon ng estado na tustusan ang pangangailangan ng pamilya ng manggagawang hindi mabigyan ng trabaho. Ipagbawal ang kontraktwalisasyon at pleksibilisasyon ng paggawa at oras ng paggawa na pinapauso ng globalisasyon para mapamura ang lakas paggawa, mapalaki ang tubo at maikutan ang unyonismo. Buksan ang libro ng mga kompanyang nagdedeklarang bangkarote.

d. Ipatupad at palakasin ang Konstitusyunal na karapatan para sa collective bargaining. Kung ang karapatang bumoto sa walang kwentang eleksyon ay ginagawa ng estado na obligasyon ng mamamayan, dapat ay obligasyon din ang pagtatayo ng unyon at pagkakaroon ng CBA Ang pangunahing dahilan kung bakit walang unyon ang mayorya sa manggagawa ay dahil sinasagkaan at nilalansag ito ng mga kapitalista. 

e. Baklasin ang withholding tax sa karaniwang manggagawa hangga’t hindi naipapatupad ng estado ang progresibong sistema ng pagbubuwis. Itigil ang pagkaltas sa sahod ng payroll taxes gaya ng SSS o GSIS, PAG-IBIG, Philhealth at iba pang indirect taxes gaya ng VAT dahil dagdag na pasanin ito ng uring manggagawa. Ang seguridad at serbisyo ay dapat pasanin ng estado at ng burgesya na nagpapasasa sa yamang panlipunan na likha ng uring manggagawa.

g. Palakasin ang Labor Code at reorganisahin ang DOLE-NLRC sa iisang layuning palawakin at siguruhin ang proteksyon sa paggawa sa panahong ito ng globalisasyon. Patawan ng mabigat na parusa ang mga opisyal ng mga ahensya ng gubyerno at organisasyon sa paggawa na nagpapagamit sa pang-aapi ng burgesya sa uring manggagawa.

5. Itatag ang mga institusyong pampulitika na magiging daluyan ng pinakamalawak na pampulitikang pagkamulat, pagkakaorganisa at partisipasyon ng uring manggagawa sa buhay panlipunan at palakad ng pamahalaan. Ito ay paralel sa istruktura ng kapitalistang gubyerno at binubuo sa teritoryal na batayan at sa pinakademokratikong paraan.

6. Bilang mayorya at pinakaproduktibong pwersa sa ating lipunan, kailangang magkaroon ng boses at representasyon ang manggagawa sa gubyerno, partikular sa lehislatura, kahit na ito’y kapitalistang gubyerno. Ito ay para magsilbing sukdulang oposisyon sa loob ng burges na gubyerno, at hamunin at sagarin ang mga pretensyon ng demokrasyang burges.

Sa paglakas ng kilusang manggagawa at pag-agos ng demokratikong pakikibaka, tama lamang paabutin ang tunggalian sa kapital sa antas ng partisipasyon ng manggagawa sa pagpapaandar ng mga kompanya laluna sa aspeto ng produksyon, bilang pagsasanay at paghahanda sa sosyalistang pangkontrol ng proletaryado sa mga kagamitan sa produksyon ng lipunan at pagpapaandar ng ekonomiya ng bansa.


B. Para sa Uring Magsasaka

1. Lansagin ang monopolyo sa lupa at pawiin ang kondisyon sa pag-iral ng landlordismo sa kanayunan at ipaglaban ang kagyat na demokratisasyon ng kontrol sa lupa at iba pang mga rekurso. 

2. Abolisyon ng sistema ng pagbubuwis sa lupa sa anyo ng paggawa, ani o pera para sa pribadong may-aring hindi siya o ang kanyang pamilya ang nagbubungkal, liban na lang kung ang may-ari ay mayroon ng kapansanan, siya ang dating nagbubungkal at ito ang tangi niyang pinagkakakitaan.

3. Abolisyon ng lahat ng porma ng usura sa kanayunan at ipagbawal ang pagpapaalis sa magsasaka sa lupang kanyang binubungkal dahil lamang sa hindi makapagbayad ng utang.

4. Ilagay sa prayoridad ng gubyerno ang pagpapaunlad at modernisasyon ng agrikultura. Balangkasin ang wastong programa na balansyado ang panlipunang progreso at hustisyang panlipunan sa kanayunan. Lahat ng suportang pinansyal at teknikal ay dapat ipagkaloob ng estado sa mga magsasaka mula pagsasaka hanggang pagbebenta ng mga produktong agrikultural. Lansagin ang mga kartel at monopolyo sa produktong agrikultural na nagmamanipula sa presyo, nananamantala sa kahirapan ng magsasaka, nagpapakana ng hoarding at bumabara sa mas malayang pag-unlad ng komersyo sa kanayunan.

5. Itigil ng gubyerno ang patakarang liberalisasyon sa dayuhang pamumuhunan at kalakalan sa agrikultura alinsunod sa balangkas ng globalisasyon o imposiyon ng mga kasunduan sa WTO at IMF-WB. Ang ipatupad ay selektibong liberalisasyon na hindi pumipinsala bagkus nakabubuti sa direktang interes ng masang magbubukid at sustenadong pag-unlad ng ating agrikultura.

6. Paunlarin ang cooperative farms bilang mas pangunahing porma ng pagsasaka kaysa sa maliitang individualized farming at malakihang corporate farming. Engganyuhin ang pagtatayo ng kooperatiba sa halip na indibidwal na pagsasaka. 

7. Itigil ang militarisasyon sa kanayunan at lansagin ang paramilitary na mga yunit at organisasyon na nagsisilbi sa panginoong maylupa at sa counter-insurgency campaign ng estado. 

8. Ganap na kalayaan ng mga organisasyong pampulitika ng magsasaka na kumatawan sa kanilang makauring interes. Palawakin ang demokratikong karapatan at kalayaan ng magsasaka, at pampulitikang representasyon at partisipasyon sa buhay panlipunan at pag-andar ng pamahalaan.


K. Para sa Maliliit na Mangingisda

1. Ganap na pagsasakapangyarihan sa maliliit na mangingisda sa pangangasiwa, pagpapaunlad at pakinabang sa munisipal na mga pangisdaan.

2. Paglalaan ng tiyak na pondo ng pamahalaan para sa rehabilitasyon at pagpapaunlad sa lahat ng pook pangisdaan.

3. Istriktong pagbabawal sa paggamit ng mapanirang mga uri ng palakaya, tulad ng trawl, sudsod, buli-buli, lason at kuryente, sa munisipal na mga pangisdaan.

4. Ganap na kontrol ng mga samahan o kooperatiba ng maliliit na mangingisda sa mga fishpen, fishcage at palaisdaan. Pagbuwag sa lahat ng fishpen, fishcage at fishpond na sagabal sa malayang daloy ng tubig at nakasisira sa ecosystem ng pangisdaan.

5. Makamit ng mga manggagawa sa palaisdaan ang mga proteksyon at benepisyo na tinatamasa ng mga manggagawa sa industriya.

6. Mabigyan ang maliliit na mangingisda ng modernong teknolohiya sa pangingisda hanggang sa pagpoproseso.

7. Pagbabawal sa pagpasok ng sariwang isda (non-processed) mula sa ibang bansa.

8. Mahigpit na pagbabawal sa pagputol ng bakawan at kumbersyon ng mga pangisdaan sa pribadong gamit.

9. Karapatan sa malayang pag-oorganisa ng maliliit na mangingisda.

10. Karapatan sa paninirahan ng maliliit na mangingisda sa mga lugar na malapit sa pinanggagalingan ng kanilang kabuhayan.


D. Para sa Maralitang Lungsod at Kanayunan

1. Absolutong pagbabawal at iligalisasyon sa marahas na demolisyon at pwersahang ebiksyon sa mga lupaing pag-aari ng gubyerno o malalaking pribadong korporasyon o negosyante. Lutasin ang mga sigalot sa kaparaanan ng negosasyon nang walang banta ng dahas, panlalansi o panunuhol, at i-criminalize ang mga paglabag dito.

2. Walang relokasyong dapat maganap kung hindi sinang-ayunan ng apektadong maralita para garantisadong mas maigi ang magiging kalagayan ng masa kaysa sa kanilang panggagalingang komunidad. Ang pagtatakda ng ganitong istandard ang magtitiyak na madadaan sa negosasyon ang mga sigalot at maiwasan ang pwersahang ebiksyon.

3. Sa malalaking proyekto ng gubyerno at/o pribadong sektor na apektado ang maralita, isabatas ang pagpasok ng social cost sa project cost at dapat ang masang maralita mismo ang magtakda ng istandard sa pagkwenta ng social cost.

4. Iprayoridad at garantiyahan ang abot-kayang pabahay, trabaho at kabuhayan para sa sustenidong pagpapaunlad sa mga maralitang komunidad

5. I-repeal ang UDHA dahil ang balangkas nito ay hindi komprehensibong solusyon sa problema ng maralitang lungsod, kundi mas nilulutas kung paano mapapalayas ang mga maralita sa mga lupaing gustong bawiin ng gubyerno o kamkamin ng pribado. Dapat magkaroon ng batas at programa, at tiyakin ang partisipasyon ng mga maralita sa pagbabalangkas at pagtataguyod nito para sa komprehensibong solusyon sa problema ng mga maralitang lungsod.

6. Isabatas ang Magna Carta ng Maralitang Lungsod at Kanayunan.

7. Palakihin ang alokasyon sa badyet ng gubyerno para sa pangmasang pabahay.


E. Para sa Kababaihan

Sa kabila ng panlipunan, pang-ekonomiya at pampulitikang pagsulong ng kalagayan ng kababaihan sa modernong panahon, nananatili pa rin ang pagsasamantala at pang-aapi batay sa kasarian at pagkakait ng pantay na pagturing at pagkilala sa kababaihan. 

Malaking bahagi pa rin ng kababaihan ang itinatali sa “gawaing bahay” o “domestikong pang-aalipin. “ Kahit ang kababaihang may trabaho ay di lubusang makalahok sa buhay panlipunan dahil sa dobleng pasanin sa buhay—ang pagtatrabaho at “gawaing bahay.”

Bunga ng api at dominadong kalagayan ng kababaihan na bumubuo ng kalahati ng populasyon at kalahati ng lakas paggawa ng lipunan ipinagkakait sa kanila ang papel sa panlipunang produksyon at benepisyo ng panglipunang progreso dahil sa kanilang kasarian.

Ang sumusunod na demokratikong mga reporma para sa kababaihan ang ipaglalaban ng Partido:

1. Pantay na karapatan at oportunidad sa trabaho at sweldo. Pagtanggal ng mga balakid, tulad ng diskriminasyon ng lipunan, panunupil ng estado at karahasan sa kababaihan, na sumasagka sa lubos na paglahok sa produksyon at ekonomiya.

2. Pantay na karapatan sa representasyon sa mga institusyon ng gubyerno at maging sa mga pribadong institusyon at organisasyon. Pagtanggal ng mga balakid sa lubos na paglahok sa pampulitika at panlipunang mga gawain.

3. Karapatan ng kababaihan na magpasya sa kanyang sarili kaya’t nararapat na garantiyahan ang kanyang karapatan sa reproductive rights at reproductive health, kabilang na dito ang ligtas na aborsyon. Absolutong ipagbawal ang forced sterilization.

4. Pagsasabatas ng diborsyo, at kagyat na pagtitiyak ng estado at mga kapitalista sa pagkakaloob ng karampatang alimony at child support. Pasimplehin ang prosesong ito at kagyat na ipagkaloob sa kahilingan ng sinuman sa mag-asawa.

5. Pagprotekta ng estado sa karapatan ng mga bata laban sa lahat ng anyo ng pagsasamantala at pang-aapi, gaya ng child labor, child prostitution at trafficking, karahasan laban sa mga bata. Pagtatanggal ng lahat ng anyo ng diskriminasyon sa mga bata, kabilang ang sinasabing kategorya ng “illegitimate children.”

6. Eradikasyon ng sexism at sexist stereotyping sa media, mga paaralan at iba pang institusyon. Magkaroon ng sex education sa kurikulum ng mga paaralan.

7. Pagsasabatas at pagpapatupad ng mga proteksyon laban sa lahat ng porma ng karahasan sa kababaihan at pagbibigay ng mga serbisyo sa mga biktima. 

8. Dekriminalisasyon ng prostitusyon sa dahilang ang kababaihan na siyang biktima ng kahirapan at bulok na sistema ng ating lipunan ang siyang tinatratong kriminal ng estado. Dapat litisin ng estado ang lahat ng kapitalista sa sex industry na kumikita sa pagsasamantala ng kababaihan at kabataan.

9. Pagkilala at pagrespeto ng estado sa sexual preference at gender preference bilang lehitimong desisyon ng indibidwal at ipagbawal ang lahat ng porma ng diskriminasyon at pang-aapi sa mga bakla at lesbiana sa trabaho, edukasyon at batas, gaya ng pagbabawal sa same-sex marriage at usapin ng child custody. Gayundin, hindi dapat pakialaman ng estado ang mga usaping sekswal hangga’t walang nasasaktan, napipilit o napagsasamantalahan.

10. Pagkilala ng estado sa iba’t ibang anyo ng relasyon labas sa matrimonya (de facto relationship) at pagkakaloob dito ng pantay na karapatang ligal at panlipunan kagaya ng mga relasyong binasbasan ng kasal o matrimonya.

11. Pagkilala ng estado at lipunan sa kahalagahan ng gawaing reproduksyon. Alinsunod dito, ipagkaloob sa lipunan ang iba’t ibang pampublikong serbisyo at programa na magpapagaan sa “domestikong gawain” gaya ng pag-aalaga ng bata, matanda at maysakit at iba pang “gawaing bahay”, at magpapaunlad sa gawaing reproduksyon. Bukod dito, sa pamamagitan ng malawakang kampanyang edukasyon ay ipalaganap ang kaisipan at kulturang kumikilala sa gawaing reproduksyon at “gawaing bahay” bilang parehong responsibilidad ng lalaki at babae.

Ang ganap na paglaya ng masang kababaihan at pagpawi ng pang-aaping batay sa kasarian ay integral sa paglaya ng uring manggagawa, sa abolisyon ng makauring pagsasamantala at sa pagsulong ng progresong panlipunan sa landas ng sosyalismo.


G. Para sa Kabataan

Ang karapatan sa ganap na pag-unlad ng kanilang potensyal bilang tao at bilang produktibong pwersa ng ating lipunan ay dapat ipagkaloob sa mga kabataan. Pero ang potensyal na ito ay nahahadlangan ng laganap na kahirapan at kapabayaan ng estado sa pangangalaga ng kanilang kinabukasan. Ang sistema ng edukasyon na dapat ay instrumento ng kanilang pag-unlad sa ilalim ng bulok na sistema ay ginawang komersyal at kolonyal.

Sa halip na maging tagapagmana lamang ng bulok sistema ang kabataan, mahalaga ang papel na kanilang gagampanan sa pagbabago ng lipunan. Kasabay ng pagsusulong ng kanilang demokratikong kahilingan, layunin natin na maibangon ang kilusang kabataan at istudyante.

Ang sumusunod ang ipaglalaban ng Partido para sa sektor ng kabataan:

1. Ipatupad ang Konstitusyonal na karapatan ng kabataan sa edukasyon. Kilalanin na karapatan hindi pribilehiyo at responsibilidad ng estado ang de-kalidad na edukasyon sa lahat ng antas. Itigil ang komersyalisasyon ng edukasyon. Libreng edukasyon sa lahat ng antas para sa mga kabataang walang kapasidad bunga ng kahirapan.

2. Ipatupad ang demokratisasyon ng mga kampus. Isabatas ang Magna Carta of Students na gagarantiya sa kanilang pampulitika at pang-ekonomiyang karapatan sa loob ng kanilang mga paaralan.

3. Maglaan ng trabaho para sa kabataan at pagtitiyak ng job placements.

4. Gawing makabuluhan ang sistema ng edukasyon sa pamamagitan ng integrasyon ng mga kurso hinggil sa unyonismo at mga karapatan sa paggawa sa kurikulum ng college, vocational at technical courses. Isanib ang integrasyon sa batayang masa sa kurikulum ng mga paaralan.

5. Itigil ang implementasyon ng mga patakarang dikta ng IMF-WB at iba pang imperyalistang institusyon sa sistema ng edukasyon sa bansa.


H. Para sa Bangsamoro at mga Katutubong Komunidad

Demokratikong mithiin ng mamamayang Moro, Cordillera at iba pang katutubo na makawala sa ilang-siglong kaapihan sa kamay ng reaksyonaryong estadong burges-asendero. Ang istorikal at praktikal na batayan ng kanilang kaapihan ang natatanging laman ng kanilang pambansang pakikibaka para sa kasarinlan na nararapat lamang igalang at suportahan.

Kilalanin ang karapatan ng mga Moro, Lumad, at iba pang katutubo sa Pilipinas sa sariling pagpapasya. Labanan ang diskriminasyon sa kanila ng estado at lipunan, at suportahan ang pagpapayaman sa kanilang kultura. Partikular sa mga kapatid nating Moro, suportahan ang kanilang rebolusyonaryong pakikibaka para sa kasarinlan.

Itigil ang gera at militarisasyon sa Mindanao, Cordillera at iba pang panig ng bansa na may paglaban ang mga Moro at katutubong komunidad. Negosasyon tungo sa political settlement na batay sa pagkilala sa karapatan sa sariling pagpapasya ang kalutasan sa armadong rebelyon ng Bangsamoro at mamamayang katutubo.


I. Para sa Kalikasan

Walang saysay ang magiging bunga ng anumang pagbabagong panlipunan kung sira naman ang kalikasan. Gaya ng sangkatauhan, ang kalikasan ay biktima rin ng kabulukan ng sistemang kapitalismo, ng kasakiman sa tubo ng kapital, ng kapabayaan ng estadong pinaghaharian ng kapital. Matitiyak lamang ang masagana at sustenableng pag-unlad ng mundo sa ilalim ng sosyalismo kung balansyado ang ekonomikong pag-unlad at proteksyon sa kalikasan. Sa ganitong batayan dapat bigyan ng halaga ang pangangalaga sa kalikasan bilang bahagi ng demokratikong pakikibaka.

1. Pagbibigay-kapangyarihan sa lokal na mga komunidad sa pangangalaga, proteksyon at rehabilitasyon at pagmamaksimisa sa likas na yaman.

2. Absolutong ipagbawal ang commercial logging sa mga lugar na kritikal na ang kalagayan ng kagubatan.

3. Ipagbawal ang pagtapon ng lason o industrial waste products ng mayayamang bansa sa mga bansang gaya ng Pilipinas.

4. Magpaunlad ng renewable na alternatibong mga panggagalingan ng enerhiya.

5. Ipaglaban ang makatwiran at makatarungang kompensasyon sa pagkasira ng kalikasan na dulot ng mga kompanyang multinasyunal.

6. Paunlarin ang isang sustainable land and water use policy.

7. Ipawalang-bisa ang bio-prospecting law na nagbibigay-laya sa mga dayuhan na magsagawa ng mga pananaliksik at pagtuklas sa kalikasan, at ariin ang resulta ng mga pag-aaral na ito. Sa maksimum, dapat ipagbawal ang paggamit ng teknolohiya sa produksyon na nakakasira sa kalikasan. Itigil ang produksyon ng mga kalakal na gumagamit ng genetically modified organisms.

8. Ipatupad ang isang komprehensibong waste management scheme. Mahigpit na ipatupad ang anti-pollution laws.

9. Pagbabawal sa lokal at dayuhang mga kapitalista sa paggamit ng natural resources kung ito ay makasisira ng kalikasan.

10. Suportahan, paunlarin at itaguyod ang lokal at katutubong mga teknolohiya sa produksyong nakapagbibigay-proteksyon sa kalikasan.


L. Repormang Pampulitika

Ang kabulukan ng sistemang pang-ekonomiya sa bansa na tanging ang naghaharing mga uri ang nagpapasasa ay ginagawang mas malubha at mas masahol ng kabulukan ng kabuuang gubyernong kontrolado rin ng naghaharing mga uring ito.

Talamak ang katiwalian sa buong burokrasya ng estado mula lokal hanggang pambansang antas, at sa bawat sangay at ahensya ng pamahalaan, mula ehekutibo hanggang lehislatura at pati ang mga hukuman. Ang buong makinarya ng militar at pulisya ay inuuod na sa kabulukan.

Ang tuwirang nagpapayabong sa sistema ng kulturang ito ng katiwalian ay ang naghaharing reaksyonaryong pulitika sa bansa, ang klase ng halal na mga opisyal ng gubyerno at ang pampulitikang modus operandi ng masasalapi sa lipunan na walang iba kundi ang burgesya at mga asendero.

Bulok ang gubyerno sapagkat bulok ang naghaharing mga uring pinagsisilbihan at kumukontrol nito. Walang ibang paraan para linisin ang pamahalaan kundi walisin ito sa rebolusyonaryong paraan, ibagsak ng isang rebolusyon at tiyaking sa pagbagsak nito’y mawawalan ng kapangyarihan ang kasalukuyang mga uring humahawak nito at hindi na muling makababalik sa poder.

Ngunit hindi ibig sabihin na dahil ang tangi at tunay na solusyon sa klase at grabidad ng kabulukan ng gubyerno sa Pilipinas ay isang rebolusyon ng bayan ay wala nang lugar at wala nang katuturan ang pakikibaka para sa repormang pampulitika. Ang matyuridad ng masa para sa isang rebolusyon ay depende sa kanilang pampulitikang matyuridad. Ang matyuridad na ito ay umuunlad sa kaparaanan mismo ng pakikibaka para sa demokratikong repormang pampulitika. Ang kongkreto at kolektibong karanasan ng masa sa pakikibakang ito ang kukumbinsi sa kanila na walang ibang landas ng pampulitikang pagbabago kundi ang landas ng pampulitikang rebolusyon.

Tama lamang lumahok at manguna ang rebolusyonaryong proletaryado sa mga pakikibaka para sa repormang pampulitika sa ilalim ng burges na estado upang samantalahin ang maipapanalong mga reporma at gamitin ang mga pakikibaka para rito upang mapalakas ang sarili at mapabilis ang pampulitikang matyuridad bilang uri at bilang partido, at maipakita sa sambayanan kung alin sa mga uri at partido ang tunay na desidido at may kapasidad sa pampulitikang pagbabago.

Kabilang sa pangunahing mga repormang pampulitikang dapat ipaglaban ay ang reporma sa sistemang elektoral, sistema ng partidong pampulitika at sistema ng parlamentaryong demokrasya. Mainam na larangan ng labanan ang loob at labas ng isang halal na Kumbensyong Konstitusyonal na magbubukas ng oportunidad para sa isang malawak na kilusang demokratiko para sa pampulitika at panlipunang pagbabago.

Ngunit ang pinakapundamental na repormang pampulitikang dapat ipaglaban ay ang paggigiit ng pampulitikang soberenya at kasarinlan ng Pilipinas mula sa dominasyon at interbensyon ng imperyalistang mga bansa at pwersa. Sa panahong ito ng globalisasyon, ang anti-kapitalistang linya ng rebolusyonaryong proletaryado ay dapat sumulong sa malakas na agos ng nasyunalismo at patriotismo ng pangkalahatang kilusang demokratiko. Ang maka-imperyalistang patakarang panlabas ng reaksyonaryong papet na estado ay dapat maging sentro ng atake ng rebolusyonaryong proletaryado at sambayanang Pilipino.

Sa partikular, dapat nang buwagin ang mga kasunduang militar sa imperyalismong Estados Unidos. Paalisin ang mga dayuhang tropang militar sa lupain ng Pilipinas at itigil ang military exercises. Tutulan ang muling pagtatayo ng mga base militar ng Amerika at panatilihing walang armas nukleyar sa bansa.


M. Repormang Pang-ekonomiya

Ang repormang pang-ekonomiyang magagawa sa panahon ng demokratikong pakikibaka ay nasa balangkas pa rin ng kapitalistang relasyon sa produksyon. Ngunit hindi ito dahilan para ang sosyalistang solusyon ay hindi ipalaganap at ipaunawa sa masang anakpawis at sa buong sambayanan. Ang mapagpasyang pwersa sa pang-ekonomiyang pag-unlad ay hindi pa isang depinidong programang pang-ekonomiya na nakapirmi ang detalyadong mga patakaran sa kalagayang nariyan ang realidad ng globalisadong mundong pinaghaharian ng imperyalismo. Ang krusyal na salik ay ang pampulitika at patriotikong kapasyahan ng mamamayan na paunlarin ang ekonomiya ng bansa batay sa antas ng pag-unlad ng mga pwersa sa produksyon at pagpapaunlad ng mga relasyon sa produksyon na ginagabayan ng mga prinsipyo ng panlipunang progreso at hustisyang panlipunan.

1. Dapat nang lagutin ang napakahaba’t walang patid na kasaysayan ng dayuhang dominasyon sa Pilipinas na siyang namumukod na dahilan ng atrasadong pag-unlad ng ekonomiya. Sandaang taon nang ang Pilipinas ay nasa ilalim ng imperyalistang dominasyon ng US at ang kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya ang nagpapatunay na pagsasamantala at panghuhuthot ang interes nito sa Pilipinas at hindi pakikipagkaibigan. Dapat nang tigilan ang baluktot na katwirang walang alternatiba kundi manatiling nakasandig sa US at lalo lamang mapapasama kapag hindi sumunod sa mga kagustuhan nito.

Ang isang bansang nasa imperyalistang dominasyon ay nakalubog sa isang kumunoy at wala nang sasahol pa sa ganitong sitwasyon. Kahit sa globalisadong mundo ay maaaring magsarili ang Pilipinas sa pang-ekonomiyang landas ng pag-unlad basta may kapasyahan ang gubyerno at nagkakaisa ang sambayanan. Pampulitikang kapasyahang nagsasariling paunlarin ang bansa ang kinakailangang hakbang sa pang-ekonomiyang progresong ang pinakasimulain ay progreso at hustisyang panlipunan.

2. Dapat itigil ang pagsandig ng Pilipinas sa dayuhang puhunan at dayuhang pautang dahil mas malaki ang nagiging kapalit nito kaysa pakinabang na pang-ekonomiyang pag-unlad. Tama lamang na papasukin ang dayuhang mga imbestor ngunit batay sa mga kondisyong itatakda ng pambansang interes. Ang pagbabayad sa dayuhang mga pautang ay dapat batay sa kapasidad at prayoridad ng bansa.

May sapat na kayamanan at puhunang nakaimbak ang Pilipinas para paandarin ang ekonomiya ng bansa nang hindi nagpapaalipin sa imperyalistang puhunan at pautang. Kung sa simula’y kailangang maghigpit ng sinturon ang sambayanan dahil sa panggigipit ng imperyalistang mga pwersa, ito ay dapat isagawa sa patriotikong panawagan ng pagkakaisa para pasimulan ang pagtindig ng bansa sa sariling paa at humakbang patungo sa sariling landas.

3. Kailangang pasimulan ang rebelyon sa imperyalistang globalisasyon at mga dikta ng IMF-WB/WTO dahil sa ultimong pagsusuri, kapag nanatili sunud-sunuran, lulubog at lulubog din sa krisis ang bansa gaya ng nagaganap sa kasalukuyan. Sa igting ng kompetisyong pinakawalan ng obhetibong batas ng globalisasyon, mas makakalarga ang ekonomiya ng Pilipinas sa kompetisyong ito kung hindi nagpapadikta at nagpapatali sa mga kondisyong itinatakda ng imperyalistang mga pwersa.

Mismo ang maigting na kompetisyon ng imperyalistang mga bansa at ng indibidwal na kapital sa pandaigdigang larangan ay maaaring gamitin at samantalahin ng mga bansang gaya ng Pilipinas batay sa nagsasarili nitong interes at sariling patakaran sa panlabas na kalakalan.

4. Dapat distrungkahin ang export-oriented, import-dependent na linya ng palsipikadong pag-unlad at halinhan ng patakaran ng industriyalisasyon ng ekonomiya at modernisasyon ng agrikultura na prinsipal na nakasandig sa pagsulong ng panloob na pangangailangan, pamilihan at sariling mga kalakal, at na sinasamantala ang natatanging likas yaman ng bansa at nag-aangkat lamang kung lubos na kinakailangan.

5. Isabansa ang susing mga korporasyon sa istratehikong mga industriya. Palakasin sa halip na pahinain ang pampublikong sektor ng ekonomiya sa kondisyong ang nakatayo ay isang matino, progresibo at makamasang gubyerno.


Ultimong Solusyon sa Kahirapan

Nilista natin ang mga reporma para pagaanin ang bigat ng kahirapa’t inhustiyang pasan-pasan ng taumbayan. Subalit hindi pa ito ang kalutasan sa ating mga suliranin. 

Ang problema natin ay kahirapan at ito ay maaring lutasin. Narating na ng tao ang kaunlarang maaring tumugon sa lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan. Sobra-sobra na ang progreso. Subalit sobra-sobra pa rin ang kahirapan. 

Sapagkat ang yamang likha ng Kalikasan at Paggawa ay inaangkin ng iilang nagmamay-ari sa mga kasangkapan at instrument sa produksyon. Ang modernong industriya ay pag-aari ng mga kapitalista. Ito ay hindi simpleng kasakiman kundi pagsasamantala. 

Pagsasamantala ng tao sa tao batay sa pag-aari sa makina, hilaw na materyales, atbp – hindi korapsyon – ang ugat ng kahirapan. Tahasang idinedeklara ng PMP: “Wakasan ang kahirapan! Wakasan ang Pribadong Pag-aari!” 

Ito ang makasaysayang layunin ng ating partido: mulatin, organisahin, at pakilusin ang manggagawa para sa kanyang istorikal na misyong itayo ang tunay na demokrasya – ang gobyerno ng manggagawa. Dahil ito ang unang hakbang sa abolisyon ng pribadong pag-aari at kahirapan.