Biyernes, Hulyo 22, 2011

Heredero


Si Benigno Aquino III ay isang heredero. Isa siya sa mga heredero ng 6,000 ektarya ng Hacienda Luisita at iba pang korporasyon. Heredero rin siya ng estadong produkto ng pag-aalsang EDSA na minsa’y minaneho ng kanyang ina, ipinasa kay Ramos, Estrada at Arroyo.

Sa kanyang isang taon sa poder, ipinakita niya sa kanyang mga kauri na siya nga ay karapat-dapat na maging heredero. Walang pagdududa ang ipinakita niyang katapatan sa mga kapitalista at asenderong kanyang kauri. 

Huwag magtaka ang bayan na bumoto sa kanya kung bakit “di siya kumibo” sa mainit na usapin ng Hacienda Luisita. Kung bakit hindi maibigay sa mga magbubukid ang lupang para sa kanila. Labag sa interes ng kanyang pamilya at kanyang kauri mula Luzon, Visayas at Mindanao na ipamahagi ang lupa sa mga magbubukid kahit ito ay sinasabi na ng batas.

Sa usapin ng manggagawa sa PAL, ang kanyang bataan sa Department of Labor na si Josefina Baldoz ay nagbaba ng Assumption of Jurisdiction (AJ) upang di makawelga ang mga flight attendants and stewardess. AJ rin ang ginawa ni Patricia Sto. Tomas, dating Kalihim sa Paggawa ni Gloria Arroyo, nang magwelga ang mga manggagawa sa Hacienda Luisita noong 2004. Dahil sa AJ ni Sto. Tomas, minasaker ng mga militar ang piketlayn na ikinamatay ng 7 at ikinasugat ng marami. Kongresman na noon si Noynoy Aquino pero ni ha ni ho ay walang narinig mula sa kanya. 

Nang lapitan siya ng mga miembro ng Philippine Airlines Employees Association para ireklamo ang iligal na pagtatanggal sa kulang 3,000 manggagawa, ang kinampihan niya ay si Lucio Tan, ang may-ari ng PAL.

 Anak ng jueteng din ang gubyernong ito kagaya ng mga nauna sa kanyang naupo sa Malakanyang. Kahit malalaking tao na sa simbahan at mga taong alam na alam ang likaw ng bituka ng huetengan ang nagbubulgar na ang kanyang dating hepe ng pulis na si Hen. Versoza at mataas na opisyal ng Department of Interior and Local Government na si Rico Puno ay kumokolekta ng humigit-kumulang sa 8 milyong piso kada buwan, walang aksyon si Aquino. Kagaya rin ng kawalan ng aksyon nito sa mga iresponsableng opisyal ng gubyerno na nagpabaya sa kanilang tungkulin sa oras ng hostage-taking sa Luneta. Kaya pala’y ang kaibigan din niyang si Rico Puno at Mayor Alfredo Lim ang madidiin dito pero pinaligtas niya. 

Interes ng kanyang pamilya. Interes ng kanyang uri. Interes ng kanyang mga kaibigan. Iyan ang ginagawa ni Aquino sa Malakanyang.

Kaya ang pinagkukuha niyang miembro ng kanyang gabinete ay galing din sa hanay ng malalaking negosyo gaya ni Purisima sa Finance Department, Singson sa DPWH at Domingo sa Trade and Industry at Mar Roxas sa DOTC.

Nilimot na niya ang mga pangako niya noong eleksyon.

Noong kampanya, laging ipinakikita niya sa telebisyon ang karumaldumal na kalagayan ng pampublikong paaralan. Pero nang maupo siya, di man lang nito itinaas ang budget ng edukasyon sa halagang 6% ng GDP para ibuwelo ang pag-ahon sa masamang kalagayan ng edukasyon sa bansa. Sa halip, pahahabain niya ng dalawang taon ang high school na lalong magpapalaki ng gastos sa mga naghihirap na magulang, lalong magpapalaki ng bilang ng drop-out. Para lamang pagbigyan ang napangakuan niyang mga kapitalistang edukador.

Noong kampanya, ipinangako niyang di magtataas ng buwis. Kabaligtaran ang kanyang ginagawa. Sa halip na buwisan ang higanteng mga korporasyon, ang binuwisan ay ang ordinaryong tao kagaya ng 250% na pagtaas ng toll fee sa SLEX at nakaambang pagtataas ng pasahe sa LRT at MRT. At ang mga kumpanyang dayuhan ay inililibre sa buwis.

Noong kampanya, ipinangako niyang bibigyan ng disenteng pabahay ang mahihirap. Kabaligtaran ang kanyang ginagawa. Wala siyang ginawa sa mga mararahas na demolisyon. Napilitang awatin ang demolisyon sa San Roque, North Triangle, Pag-asa, Quezon City dahil nagkataong kausap niya si Barack Obama na pangulo ng US. Ang mga lupang ito ay ibinenta at ibebenta pa sa mga malalaking korporasyon para pagtubuan. 

Ang gubyerno ni Aquino ay walang malinaw na programa para walisin ang kahirapang laganap sa buong kapuluan. Ang PDP o Philippine Development Program nito ay halo-halong matatamis na salita na pawang magpapahapdi sa sikmura ng maralitang Pilipino. Minana rin lang niya kay Gloria ang PPP o public-private partnership o sosyohan ng gubyerno at pribado at conditional cash transfer o pamimigay ng pera sa pinakamahihirap sa bawat barangay. Ang P21 bilyong piso na ipinagmamalaki ng Kalihim ng DSWD na si Dinky Soliman—dating bataan ni Gloria—ay inutang sa Asian Development Bank (ADB) na mataas ang tubo na lalong magbabaon sa bansa sa kumunoy ng pagkakautang. Ang ganitong pamimigay ng pera (dole-out) kahit sabihing magpapagalaw sa merkado at ekonomya ng bansa ay paasahin lang ang tao sa limos kaysa manalig sa pagbabatak ng buto para mabuhay. 

Ang kanyang sentrong programang pang-ekonomya na PPP ay walang iba kundi ang lumang pribatisasyon ng mga ari-arian, serbisyo at korporasyon ng gubyerno na sinimulan ni Marcos at umarangkada noong nanunungkulan pa ang kanyang inang si Cory at siyang ipinagpapatuloy niya ngayon. Walang ibang ibig sabihin nito kundi ang pagbibigay sa mga malalaking korporasyong lokal at dayuhan ng mga negosyo at serbisyong mas madali at mas malaking pagtubuan sa anyo ng BOT o build-operate-transfer, pagbibigay ng prangkisa at iba pang moda ng sosyohan o tuwirang pagmamay-ari ng mga dayuhan. Minana rin niya ito sa nakaraang mga pangulo.

Iyan ang mga senyales ng susunod na limang taon mula ngayon. 

Nasaan na ang “kayo ang boss ko!”? Nasaan na ang “tuwid na daan”? Nasaan na ang “walang korap, walang mahirap”? Kagaya ng “Erap para sa Mahirap,” ang mga salitang yan ay gimik lang sa eleksyon. Aasa ka pa ba sa heredero ng Hacienda Luisita at maka-dayuhang programang pang-ekonomya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento